Holdapers ng 2 tabloid publications, laglag sa MPD!
DAHIL sa inabandonang motorsiklo, natimbog ang apat na suspek sa loob lamang ng 24 oras matapos holdapin ang dalawang tabloid publication sa Port Area, Manila.
Matalas talaga ang pang-amoy ni Chief Supt. Roberto “Boysie” Rosales hepe ng Manila Police District matapos na makakita ng isang bagay na magtutulay sa kanyang mga kapulisan na marisolba ang krimeng isinagawa ng limang holdaper.
Noong madaling araw ng Agosto 25 ay pinasok ng limang katao ang tanggapan ng Ang Bagong Tik-Tik at Remate sa OMI Building sa may kahabaan ng 20th St., Port Area, Manila. Sapilitang pumasok ang limang hol- daper matapos tutukan ng baril ang mga empleado at kinuha ang koleksyon na nagkakahalaga ng P160,000 sa Tik-Tik at P20,000 sa Remate.
At bago pa man tumakas ang mga salarin ay sapilitang nilimas ang lahat na mga mahahalagang gamit ng mga empleyado at tumakas ang mga ito gamit ang tatlong motorsiklo. Subalit hindi pa man nakalalayo ay nasiraan ang isa sa motorsiklo na ginamit kaya napilitang abandonahin, he-he-he! May kakabit na malas ang grupo kaya nagkaroon ng ibidensya na matiklo sila. Di ba mga suki?
Ito ang naging susi sa imbestigasyon na personal na pinatutukan ni Boysie sa kanyang matapat at masisipag na tauhan sa Theft and Robbery Division sa pamu- muno ni Chief Insp. Benigno Macalindong.
Minamalas talaga ang grupo ng mga holdaper matapos lumutang si Jose Manago, alias “Betong” na taga Blk.9, Baseco Compound, Ermita, Manila sa tanggapan ni Macalindong. Akala ni Manago ay malilinlang niya ang mga pulis.
Itinanggi ni Manago na sangkot ang kanyang motorsiklo sa panghoholdap subalit sa matiyagang pag-usisa ni Macalindong, wala itong nagawa kundi ipagtapat na hiniram ito ng kanyang kumpare na si Jaime Obanel, alias “Dindo”.
Arestado agad ang isa sa mga suspect kaya hindi na nahirapan pa ang mga pulis sa paghahanap sa mga kasamahan nila.
Agad na kumilos si Macalindong kasama ang kanyang mga tauhan na sina Insp. William Santos, SPO4 Vivencio Catapang, SPO4 Diomedes Labarda, SPO3 Rogelio Pagilagan, SPO3 Dionilo Cinco, SPO2 Willex Mesina, SPO2 Crisanto Carillo, SPO2 Jesus Pantaleon, SPO1 Harley Tapia, SPO1 Ernesto Macaraeg at PO2 Jesus Rovina sa Baseco compound.
Dahil kilalang pugad ng mga pusakal ang naturang lugar ay humingi ng karagdagang puwersa si Macalindong kay Supt. Rolando Tumalad ng Mobile Patrol Division at mga matitikas na personnel ng Special Weapon and Tactics (SWAT).
At isa-isang nalambat ang mga kasamahan ni Betong sa panghoholdap na sina Jaime Obanel at Noel Seneneng, alias Intoy” na nabigla sa pagsalakay ng grupo ni Macalindong. Hindi na nagawang makatakas nina Obanel at Seneneng nang masukol sa kanilang lungga.
Habang iniimbestigahan si Seneneng sa MPD headquarters, napatawag sa cell phone si Ricky Montana kung kaya natunton din ito sa terminal ng Victory Liner sa P. Campa St. Sampaloc. Minalas din si Montana dahil nabuking ang kanyang pagtakas.
Kayang-kaya iresolba ang krimen kung makikiisa lamang ang mga biktima sa mga pulis. Kaya sa mga biktima ng krimen, magreport agad sa mga otoridad upang makagawa sila ng agarang hakbang.
Bigyan natin nang masigabong palakpakan si MPD Chief Supt. Rosales at kanyang mga tauhan.
Mabuhay kayo!
- Latest
- Trending