Christmas na sa Pinas kaya inggit ang Pil-Ams
DITO sa United States, kapag napapanood ng mga Pinoy dito sa TFC at GMA 7 na nagsimula na ang Pasko sa Pilipinas, nakadarama sila ng kalungkutan. Naging nakaugalian na sa Pilipinas na sinisimulan ang paghahanda sa Pasko kapag dumating na ang buwan na may “ber” gaya ng September. Totoo naman sapagkat 110 araw na lamang at Pasko na.
Maraming Pil-Am ang naiinggit dahil sa hindi sila makakauwi sa Pasko sapagkat taghirap ngayon dito sa US. Katulad ng nasabi ko sa mga nakaraang kolum, marami ang nawalan ng trabaho dahil sa pagbagsak ng ekonomiya rito. Kung hindi man nawalan ng trabaho, ang iba naman ay nabawasan ng kinikita dahil maraming kompanya ang nagbabawas ng oras ng mga empleyado upang makatipid.
Kaya ang balita ko, kakaunti sa mga Pinoy dito ang makakauwi sa Pilipinas upang magbakasyon sa darating na Pasko. Dati-rati abalang-abala na sa booking ang mga travel agencies na suki ng mga Pinoy dito. Halos wala rin daw naka-book sa kanila sa summer months (March, April at May) kung kailan karaniwang itinatapat ang pagbabakasyon ng Pil-Ams.
Malamang, hindi na rin makakauwi ang mga kababayan sa New Orleans, Louisiana, Bahamas, Florida at iba pang mga lugar na tinamaan ng Hurricane Gustav. Inutusan silang mag-evacuate ng ilang araw upang makalayo sa panganib. May mga nasalanta at maraming ari-arian ang nasira.
Ang buhay nga naman. Hindi natin makukuha ang lahat ng ating naisin. Nilisan ng mga Pinoy ang Pilipinas at nagtungo dito sa US para bumuti-buti ang pamumuhay nila, subalit hindi rin mapakali at gusto ring makauwi at masilayang muli ang mahal na bansa. Ang mga kababayang nasa Pinas naman ay salat na salat sa kabuhayan subalit maligaya sila dahil sa wala na silang dapat pang uwian sapagkat nasa sarili na silang lupa. Everyday ang Christmas sa kanila sa Pilipinas.
- Latest
- Trending