Mga bilanggo nanganganib magutom!
PELIGROSONG mabitin ang delivery ng pagkain sa mga bilanggo. Mukhang naubusan ng pisi ang food contractor dahil sa hindi raw magre-remit ng pera ang mag-inang industrial partner nito.
Isang kilalang prison food contractor ang lumapit sa pamunuan ng New Bilibid Prisons. Ipinadi-diskuwalipika ang naturang mag-ina na umano’y nagpakilalang supplier ng pagkain ng 10-taong gulang na food contracting firm.
Ayon sa abogado ng Golden Taste Food Services and General Merchandizing na pag-aari ni Eliseo Yu Co, ang mag-inang ito na kinilalang sina Dr. Ziegfried Lim Loo Tian at Linda Lim Loo Tian ay hindi legal na may-ari ng naturang food contracting firm. Kaya nagharap ng reklamo ang Golden Taste kay Bureau of Corrections director Oscar Calderon.
Nilinaw ng kompanya na ang mag-ina ay totoong industrial partners ng kompanya pero si Yu Co ang nangangasiwa sa aspetong pinansyal ng negosyo. Heto kasi ang problema. Hindi niremit ng mag-ina sa kompanya ni Yu Co ang halagang P13.93 milyon na sinasabing naibayad na. Dahil diyan, nanganganib ang delivery ng pagkain sa mga preso. Dapat kasi, ang mga nasisingil na tseke ng mag-ina mula sa BuCor ay ini-intrega kay Yu-Co na siya namang magbabayad sa kanilang serbisyo.
Pero ang siste, mula Hunyo 1 hanggang Agosto 15 ng taong ito, hindi nag-intrega ng tseke ang mother and son team sa kabila ng paulit-ulit na pangungulit ni Yu Co. Hindi rin isinauli ng mag-ina ang performance bond na P3.4 million na ipinagkatiwala ni Yu Co sa BuCor para makalahok sa bidding.
Tsk, tsk..Kapag nagkataon, gutom ang aabutin ng mga kawawang preso!
- Latest
- Trending