OBITUARY ito sa London Times, alaala sa pagpanaw ng isang ginoo:
Ipinagluluksa ngayon ang pagkamatay ng minamahal na kaibigang Sentido Komon, na maraming taon nating nakapiling. Walang nakatitiyak sa edad niya dahil malaon nang nabaon sa burokrasya ang tala ng kapanganakan. Magugunita lang na pinausbong niya ang mahahalagang aral: Sumilong mula sa ulan; daig ng masipag ang maagap; hindi laging patas ang buhay; at maaring kasalanan ko.
Namuhay si Sentido Komon sa simpleng patakaran sa pera (huwag gagasta nang labis sa kinikita), at estratehiya (nakatatanda, hindi bata, ang masusunod).
Nagsimulang bumagsak ang kanyang katawan nang ilatag ang mga animo’y busilak pero bulok na alituntunin. Pinalala pa ng mga ulat: Ang pagsakdal ng sexual harassment sa lalaking anim na taon dahil nanghalik sa kaklase; pagsuspindi sa mga nasa-high school dahil sa pagmumumog matapos kumain; at pagsibak sa guro na pinagsabihan ang estudyante.
Nalugmok si Sentido Komon nang pagalitan ng mga magulang ang mga gurong tumutupad sa hindi nila magawa — pagsaway sa mga bata. Lalo siyang nanghina nang atasan ang mga paaralan na humingi muna ng pahintulot sa magulang bago pahiran ang bata ng sun lotion o painumin ng aspirin; pero bawal abisuhan ang magulang kapag nabuntis ang isang menor-de-edad at nais magpalaglag.
Nawalan ng gana sa buhay si Sentido Komon nang maging negosyo ang altar; nang hindi mo na maipagtanggol ang sarili mula sa nanghimasok sa iyong tahanan, pero maari ka niyang kasuhan ng pananakit. At ginupo na nga siya nang pagbayarin ang tindahang nagbenta sa babae ng mainit na tasang kape na pabaya niyang nila pag sa hita kaya napaso.
Naunang namatay kay Sentido Komon ang mga magulang na Totoo at Tiwala, asawang Taimtim, anak na babaeng Matapat at lalaking Matino. Naiwan niya ang apat na kapatid sa labas, sina Hoy Karapatan Ko Iyan, Gusto Ko Ngayon Din, Sisihin Ang Iba, at Biktima Lang Ako.
Kakaunti ang nakipaglibing, kasi kakaunti ang nakabatid ng pagyao niya. Kung maalala mo siya, ipaalam mo sa iba. Kundi man, tularan na lang nakararaming walang pakialam.