Sekretong pahayag ng BSP vs CELLPAWNSHOP!
ANIM na buwan na ang nakalilipas, Marso 2008 eksaktong petsa nang magpalabas ng pahayag ang Bangko Sentral ng Pilipinas na permanente na nilang ipinasasara ang CELLPAWNSHOP.
Disyembre 2007 pa lamang ay ipinalabas na nila ang sinasabing permanent cease and desist order sa mga lokal na opisina ng gobyerno laban sa nasabing establisimento.
Ito ay dahil sa sunod-sunod na reklamong natanggap ng kanilang tanggapan matapos naming ipalabas sa BITAG ang negosyong kalokohan ng CELLPAWNSHOP.
Dahil sa dami ng mga nabiktima, hindi rin tumigil ang BITAG sa aming imbestigasyon.
Bukod sa mga biktimang kostumer ng CELLPAWNSHOP, nagsulputan na rin ng first quarter ng taong ito ang mga investors na “inonse” ng nasabing establisimiyento.
Nauna rito, Oktubre pa lamang ng 2007 ay ipinagbawal at ipinatigil na ng Security Exchange Commission ang pagtanggap ng mga investors at investments dahil hindi otorisado ang CELLPAWNSHOP.
Ang nakapagtataka, hanggang ngayon ay makikita pa rin sa ilang lugar sa Metro Manila na bukas ang ilang branch ng establisiyamentong ito.
May ilan ngang nag-inauguration pa at pinalitan lamang ang pangalan na “D’ 1st Cellpawnshop”. Namataan nga minsan ng ilang BITAG undercovers na may lobo at sound system pa ang mga kolokoy.
Nasaan na ang sinasabing permanent cease and desist order na ipinalabas kuno ng Bangko Sentral laban sa CELLPAWNSHOP?
Hindi ba ito isinapubliko upang bigyang babala si Juan dela Cruz na huwag tangkilikin ang establisimiyentong ito? Sinisekreto ba o sadyang hindi isina- sapubliko ang kautusang ito?
Marami ang hindi nakaaalam ng sinasabing ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas!
- Latest
- Trending