Septem-bar

SEPTEMBER. Sa mga kristiyano, buwan ng kaarawan ni Mama Mary. Sa mga Muslim, buwan ng umpisa ng Rama­dan. Sa legal profession, buwan na ng Bar examination.

Sa lahat ng propesyon, ang pag-aabogado (kasama ng pagdudoktor) ang tinuturing na pinakamarangal. Dahil Konstitusyon at batas ang pinag-aaralan, dahil buhay at kalayaan ang pinapaglaban, tinitingala ang mga miyembro nito bilang mga tagabahagi ng katarungan at kalinga.

Normal sa taong ipikit ang mata at takpan ang tenga sa mga bagay na hindi maintindihan. Dahil karamihan ng ating mga batas ay ganitong mahirap intindihin, nakasanayan nang ipaubaya sa mga dalubhasa ang pag-unawa – at  ito ang pinagkakakitaan ng abogado. Ito rin ang pinupu­hunan sa paglingkod bayan. Dahil paghubog, pagpatu-pad at pag-intindi ng batas ang karaniwang panungkulan, sino pa ba kung hindi abogado ang aasahan.

Eight years ang ginugugol sa pag-aaral ng batas. Four years sa college at four years sa law school. At kung nalusutan mo ang four years sa law school, apat na taon ng sakripisyo: pagpupuyat, pagsunog ng kilay, kahihiyan sa harap ng mga kaklase at propesor, at katakut-takot na gastos sa matrikula at libro, meron pang isang huling pagsubok. Wala ring saysay ang lahat ng paghihirap kung hindi maipapasa ang Bar exam.

Ang Bar exam ay hindi iisang exam sa iisang araw. Sa apat na Sunday ng September, walo ang total na exam na binibigay sa mga subject ng Political Law at Labor Law    (1st Sunday), Civil Law at Tax Law (2nd), Commercial Law at Criminal Law (3rd) at Remedial Law at Legal Ethics (4th). Apat na oras sa umaga, tatlo sa hapon. Pigang-pigang-piga ka. Sa lahat ng licensure exam, ito na ang pinaka-brutal. Karaniwa’y hindi lalampas ng 23 percent ng kalahatang nag-exam ang pumapasa. Kung kaya naman sa lahat din ng resulta ng licensure exams, ito ang pinaka-espesyal.

Sa lahat ng kukuha ng Bar exam at sa kani­lang mga pamilyang kasama sa paghihirap, binabati ko kayo. Mala­pit na kayong huminga, pumikit at muling mabu­hay. Isang tagum­ pay na walang kaparis   na kayo’y humantong sa puntong ito. Konting tiis na lang at malapit na kayong ma­ging bahagi sa pinaka­marangal na propesyon.

Show comments