^

PSN Opinyon

EDITORYAL – Marami pang ‘Mang Pandoy’

-

YUMAO na si Felipe Natanio o mas lalong kilala sa tawag na “Mang Pandoy”. Namatay siya dahil sa tuberculosis noong Linggo. Naging bukambibig ang pangalan ni Mang Pandoy noong 1992, panahon ni dating President Fidel Ramos. Sa interbyu noon ng sociologist na si Randy David, sinabi ni Mang Pandoy na handa siyang mamatay kapalit ng P100,000 para sa kanyang pamilya. Walo ang anak ni Mang Pandoy at ang pagtitinda ng gulay ang kanilang ikinabubuhay na kumikita ng P50 bawat araw.

Nabaling ang atensiyon sa kanya. Sa State of the Nation Address (SONA) ni Ramos, pinresenta siya bilang special guest. Ipinangako ni Ramos kay Mang Pandoy at sa lahat ng Pilipino na magkakaroon ng magandang buhay. Binigyan si Mang Pandoy ng programa sa Channel 4 at naging konsultant umano sa House of Representatives. Pero ang lahat ay lumilipas. Nawala sa ere ang programa ni Mang Pandoy at ang kanyang pagiging konsultant sa House of Representatives ay nawala at sukat.

Bumalik sa pagtitinda ng gulay si Mang Pandoy para maigapang ang kanyang mga anak na hindi na rin niya mapag-aral dahil sa kahirapan. Hanggang sa igupo ng TB ang kanyang katawan. Ang pangako sa kanya ng Ramos administration ay kanyang kinamatayan. Nakaburol siya sa kasalukuyan at hindi malaman ng kanyang mga anak kung saang kamay ng Diyos kukunin ang P14,000 na pampalibing sa kanilang ama. Humihingi sila ng tulong sa mga pulitiko na ginamit siya noong 1992 para maging model ng kahirapan.

Maraming “Mang Pandoy” sa kasalukuyan na hindi lamang sa TB unti-unting namamatay kundi sa marami pang sakit. Katulad ni Mang Pandoy na umasa na magkakaroon ng magandang buhay sa hinaharap, ganito rin ang inasahan ng mga nakarinig sa SONA ni President Arroyo noong 2001 kaugnay sa pagkakaroon nang maraming trabaho. Hanggang ngayon, patuloy ang pag-alis ng mga Pinoy para magtrabaho sa Middle East at iba pang bansa. Na­ngako si Mrs. Arroyo sa tatlong batang taga-Payatas pero ngayon ay wala nang balita ukol sa kanila. Walang nakaaalam kung mayroon nang pagkain sa kanilang hapag, may bahay na nasisilungan at kung may trabaho na ang kanilang mga magulang.

Maraming “Mang Pandoy” na umaasa sa panga­kong napapako pala.

vuukle comment

HOUSE OF REPRESENTATIVES

MANG

MANG PANDOY

MICROSOFT WORD

MSO

PANDOY

RAMOS

TIMES NEW ROMAN

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with