‘Kinuyog...’
HINDI NA MABILANG ang mga naging biktima ng karahasan bunsod ng ‘di pagkakaunawaan sa kalsada sa pagitan ng mga motorista. Ang hindi pagbigayan o kulang sa “road-courtesy” ay naging sanhi ng pagdanak ng dugo sa lansangan dahil lamang sa ‘ROAD RAGE’ o init ng ulo sa kalye.
Isa na rito ang nangyari kay ELDON MAGUAN, isang estudyante ng De La Salle University na binaril at napatay ni Rolito Go.
Madugo at magulo ang mga pangyayari na ang pinag-ugatan lamang ay ang pag tirik ng sasakyan sa kalsada.
Ito ang dala ng malungkot na kwento ng isang lalaking dumulog sa aming tanggapan. Siya si Remigio “Remi” Reyes, 56 na taong gulang, nakatira sa Muntinlupa City. Nais niyang mabigyan ng hustisya ang insidenteng naging dahilan ng muntik niyang pagkamatay.
Si Remi ay company driver ng PHILCOX, isang contractor ng Globe Telecom. Halos pitong buwan na siyang nagtatrabaho dito.
“Nung September 28, 2000, kakatapos lang namin mag-kabit ng linya ng telepono sa isang pawnshop sa Bago Bantay, Quezon City. Kasama ko sila Sonny Anehal, yung supervisor namin, Efren Labuyo at Noel Ciudal, yung mga installer namin, ako ‘yung nagmamaneho,” ayon kay Remi.
Umalis si Remi at Efren upang kunin yung sasakyan nila at ibwelta. Plano sana niyang daanan na lamang si Sonny at Noel sa tapat ng pawnshop.
Matapos i-atras ni Remi ang sasakyan bigla na lang may tumigil na tricycle sa gilid nila. Tumingin ng masama sabay sinigawan siya ng driver nito, “p@#$ng i^& mo!, anong problema mo ha?!”
Nagtaka si Remi sa nangyari dahil wala naman siyang ginagawang masama sa lalaki na noon ay ‘di pa niya nakikilala. Sumagot na lang si Remi ng, “pare, wala.”
Sa hindi inaasahang pangyayari namatay ang makina ng kanilang sasakyan. Inamin naman ni Remi na madalas nga itong nangyayari dahil sirain na ang service vehicle nila.
“Bumaba yung kasama ko, si Efren, para itulak ‘yung sasakyan. Naiwan ako sa loob para i-start. Narinig ko na lang na nagkakasagutan na sila ng driver ng tricycle na nagmura sa amin,” kwento ni Remi.
Minabuti ni Remi na puntahan sina Sonny at Noel para humingi ng tulong. Subalit, nang bumalik sila madami ng tao ang nakapalibot sa sasakyan. Sa kanyang kalkulasyon mahigit sa sampung tao ang nandun at ilan ding tricycle, Napansin ni Remi na namumula ang mukha ni Efren. Inisip niya agad na nagpang-abot ang dalawa matapos ang iringin na nangyari nung siya ay umalis.
Sinubukan kausapin ni Sonny ‘yung tricycle driver para matigil ang gulo. Iminungkahi niya na sa barangay na lang sila mag-usap. Ang ginawa nila ay pumasok si Remi sa loob ng sasakyan habang ang kanyang mga kasamahan ay nagtulak.
“Pagsakay ko pa lang may bumato na sa windshield ko. Nabasag ang salamin. Sumabog ang bubog at tumalsik sa akin. Yung mga batong maliliit pumasok din sa loob ng sasakyan,” kwento ni Remi.
Masyadong mabilis ang mga pangyayari, hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. Bumaba siya ng sasakyan para tumakas at hinanap niya ‘yung mga kasama niya pero hindi na niya ito naabutan. Iniwan na siya ng mga ito.
Habang tumatakbo siya, naramdaman niya na may bumato sa kanya sa likod. Dahil sa lakas ng pwersa, natumba si Remi.
“Pagtihaya ko nakita ko silang pasugod sa akin. Kinuyog nila ako. May dala-dala silang mga tubo at iba’t ibang uri ng bato. Dalawang tao yung namukhaan ko, ‘yung may hawak ng tubo na pinagpapapalo ako, ‘yung isa naman binagsakan ako ng malaking bato sa mukha,” salaysay ni Remi.
Iniwas ni Remi ‘yung mukha niya, umilag siya kaya ‘yung kaliwang bahagi ng noo niya ang nabagsakan ng bato. Akala niya katapusan na ng buhay niya. Halos natakpan ng dugo ang mukha niya at lumubog ang natamaang bahagi ng ulo niya.
Hilung-hilo na si Remi pero bago siya tuluyang nawalan ng malay narinig niya ‘yung isang lalaki na nagsabing, “Halika na, wala na yan.”
Iniwan nila si Remi sa kalye na nakahiga, duguan at walang malay. Hanggang may isang ‘di kilalang tao ang nakakita sa kanya at nagmagandang loob na dalhin siya sa pinakamalapit na clinic.
Ngunit hindi kayang gamutin dun ang tinamong pinsala ni Remi, kaya dinala na lang siya sa East Avenue Medical Center.
Tinahi ang kanyang sugat matapos siyang makunan ng x-ray at CT-Scan. Ginamot rin ang mga sugat sa kanyang braso dahil sa dami ng hambalos na tumama sa kanya.
“Tinawagan ng mga doctor yung opisina namin at dun kinausap nila yung mga kasamahan ko. Kaagad naman sila gumawa ng aksyon, pumunta sila sa barangay hall para magreklamo at hanapin yung mga tricycle driver na kumuyog sa kin,” pahayag ni Remi.
Sa tulong ng mga barangay tanod natunton nila yung bahay ng dalawang tricycle driver na nakilala nila sa pangalang Sonny Palisoc at Oliver Braullo. Pero ayaw nilang sumama, kaya tumawag sila ng mga pulis. Pag balik nila, nakatakas na ang mga ito.
Dahil sa pinsalang tinamo, tatlong linggo naka-confine si Remi sa ospital at halos isang taon siyang hindi nakapagtrabaho.
Sa ngayon nakasampa na ang kasong Serious Physical Injuries sa Metropolitan Trial Court sa Quezon City at tuluy-tuloy pa rin ang pagdinig dito.
“Humihingi po ako ng tulong para mapabilis yung paglutas ng kaso ko, walong taon na po kasi ito hanggang ngayon nakalaya pa din ‘yung mga taong muntik nang tumapos ng buhay ko. Nais ko po mabigyan ng hustisya ang ginawa nila sa akin,” panawagan ni Remi.
Ni-refer namin si Remi sa opisina ni City Prosecutor Claro Arellano ng Quezon City upang malaman kung anong tulong ang maibibigay kay Remi at makipag-ugnayan sa prosecutor na may hawak ng kaso. Nais rin naming malaman kung bakit nagtatagal ang kanyang kaso. (KINALAP NI GAIL DE GUZMAN)
PARA SA MGA BIKTIMA ng krimen o may legal problems tumawag sa 6387285. Maari kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Maaari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
- Latest
- Trending