EDITORYAL – Malaking pondo para sa health care ng mahihirap
MALAKI ang proposed national budget para sa 2009 — P1.415 trillion! Sisimulan nang talakayin ng House appropriations committee ang malaking budget bukas ayon kay Budget Sec. Rolando Andaya.
Malaking bahagi umano ng budget ay mapupunta sa health services na ang direktang makikinabang ay ang mahihirap. Ayon kay Andaya, ang alokasyon para sa serbisyong pangkalusugan ng mahihirap ay aabot sa P35.8 billion. Ito ay tumaas ng 24.9 percent sa dating P28.7 billion ngayong 2008 para sa serbisyong pangkalusugan. Limang bilyong piso raw ay mapupunta sa Philippine Health Insurance Corp bilang subsidy sa mga indigents sa ilalim ng National Health Insurance Program.
Kung maaaprubahan ang malaking budget para sa susunod na taon, makikinabang ang maraming mahihirap lalo ang mga maysakit. Dapat lamang na mangyari ito sapagkat lumobo na ang mamamayang mahihirap na hindi na nakatitikim ng serbisyo para sa kalusugan. Sa katunayan, maraming mahihirap na maysakit ang hindi nakatitikim ng serbisyo at knamamatayan na lamang ang kanilang karamdaman. Maraming hindi na rin makatikim ng gamot dahil ubod nang mahal. Hanggang ngayon ay hindi pa umeepekto ang Cheaper Medicine Bill. Sa sobrang taas ng mga gamot, ang karamihan sa mga mahihirap ay umaasa na lamang sa mga arbularyo at sa awa ng Diyos. Mayroong tinanggap na lamang ang kanilang kapalaran na mamatay sa sakit.
Sana nga ay maibuhos sa mga mahihirap ang bahagi ng pondo sa susunod na taon para naman maagaw sila sa kamatayan. Hindi dapat hayaan ng gobyerno na mangisay na lamang ang mahihirap dahil walang magawang tulong. Dapat madama ng mga mahihirap ang ginagawang pagkilos ng gobyerno para sa karamdaman.
Hindi lamang mga mahal na gamot ang nagiging problema ngayon ng mga mahihirap kundi pati na rin ang kakulangan ng mga doctor at iba pang health practitioners.
Marami sa mga doctor ang nagsisialisan sa bansa para hanapin ang magandang buhay sa ibang bansa. Ang lubusang naapektuhan ng pag-alis ng mga doctor ay ang mahihirap. Sa ngayon, iilang doctor na lamang sa mga public hospital sa bansa ang natitira. Hindi na sapat para gamutin ang mga mahihirap.
Ibuhos ang pondo para sa mga mahihirap na maysakit. Solusyunan din ang unti-unting pag-alis ng mga doctor.
- Latest
- Trending