May sindikato raw sa pagpili ng mga billiard players sa bansa!
SINDIKATO raw o Mafia operation ang proseso ng Billiards Snookers Congress Association of the Philippines (BSCP) hinggil sa pagpili ng mga billiard players na inilalaban ng ating bansa.
Ito ay ayon sa Billiards Managers and Players Association of the Philippines (BMPAP).
Ang BMPAP ay nabuo matapos humiwalay ang mga billiards managers at players na dating nasa ilalim ng BSCP. Nagsimula ang hidwaan ng dalawang sports organization na ito noong huling SEA games.
Ayon kay Mr. Perry Mariano, isa sa mga managers ng BMPAP, wala raw elimination process na ginagawa ang BSCP sa mga billiards players na inilalaban sa mga international tournaments.
Inaakusahan ng BMPAP ang BSCP na bias at may discrimination sa selection process. Turo-turo system daw ang estilo ng BSCP dahil kung sino lamang ang maituro at magustuhan ng mga ito, ’yun ang ilalaban.
Hindi raw nabibigyan ng oportunidad ang mga bago at promising players dahil may mga ‘‘suking players’’ na ang BSCP sa kanilang listahan.
Hinaing pa ng BMPAP, ni hindi kilala ng mga billiard managers at players ang mga opisyales ng BSCP. Ni hindi raw nakikita ang pagmumukha ng mga ito tuwing may tournament.
Subalit oras na manalo ang isang manlalaro, ang kredito at papuri ay nasa BSCP dahil ang alam ng Philippine Sports Commission, sila ang humuhubog sa mga manlalaro.
Mariing itinatanggi ito ng BMPAP dahil kung naging champion man ang mga billiard players, hindi daw ito kaga gawan ng BSCP kundi ito ay dahil sa sariling sikap ng mga managers at billiards players.
Sumisigaw ng hustisya ngayon ang BMPAP sa pang-aabuso ng BSCP subalit ang nakakalungkot, hindi puwedeng makialam ang gobyerno dahil sa tinatawag na autonomy.
Ang autonomy ay prebilehiyo na ibinibigay sa isang grupo na makapagsarili at magkaroon ng sarili nilang panuntunan ng hindi nanghihi-masok ang pamahalaan.
Ang masahol pa rito ay ‘‘lifetime’’ ang termino ng panunungkulan ng mga opisyales ng BSCP kahit sila’y mga gurang na.
Kaya naman sa kolum na ito, nananawagan kami sa pamunuan ng BSCP na sagutin ang mga akusasyong ito ng BMPAP.
Nais naming maging patas sa usaping ito at bi nibigyan namin kayo ng pagkakataon na maibigay naman ang inyong panig.
- Latest
- Trending