USAP-USAPAN ng mga Pinoy dito sa United States ang pagbuhay sa Charter change (Cha-cha). At karamihan sa kanila ay ayaw sa pag-amyenda sa Constitution. Katulad ng ikinatatakot ng mga nasa Pilipinas, salungat sila sa Cha-cha sapagkat baka raw gamitin ito ni President Arroyo para mapahaba ang termino.
Hindi nagbabago ang damdamin ng Pil-Ams tungkol sa Cha-cha lalo na ngayong malapit nang matapos ang termino ni Arroyo. Pakiramdam ng Pil-Ams gustong pahabain ni Arroyo ang termino kaya natatakot sila sa balak na pagbuhay sa Cha-cha.
Mayroong kampanya na hindi raw magiging magaling na President si VP Noli de Castro dahil kulang ang kaalaman nito sa pagpapatakbo ng bansa. Sinisiraan din nila ang mga maaaring tumakbo sa pagka-presidente katulad nina Loren Legarda, Panfilo Lacson, Mar Roxas, Manny Villar, Chiz Escudero, Kiko Pangilinan at iba pa.
Palagay ko magbabago ang posisyon ng Pil-Ams ukol sa Cha-Cha pagkatapos ng eleksyon sa 2010. Ang hindi nga lamang nila mapapagpasyahan ay kung anong klase ng gobyerno ang kanilang pipiliin —kasalukuyang sistema ng gobyerno o federalism.
Hindi ko alam ang kahihinatnan ng kampanya tungkol sa Cha-cha. Mahirap manghula dahil iba’t iba ang opinion ng mamamayan. Maski nga Pil-Ams ay nagsasabi na hindi na kailangang baguhin ang konstitusyon dahil maayos naman daw.
Mahirap magsabi ng mga mangyayari ukol sa Cha-cha. Masasabi kong dapat itong pag-isipang mabuti. Hindi basta-basta ang isyung ito. Kaya may mga pagkakamali sa kasalukuyang nangyayari sa bansa ay dahil na rin sa taumbayan. May mga kabulukang nananaig sa bansa sapagkat mga Pilipino mismo ang pumili sa mga lider.