SA wakas nahimasmasan ang Malacañang sa lumang pakulo ng Moro Islamic Liberation Front na itatwa ang mga kasaping naghuhuramentado. “Muhi si Presidente sa kawalan ng kontrol ng pamunuan ng MILF sa mga umano’y base commanders nila,” inaamin na ngayon ni Executive Sec. Ed Ermita. Ginulo ng mga separatista ang siyam na baryo nu’ng Hulyo at apat na munisipyo nitong nakaraang linggo sa Mindanao; nagkibit-balikat lang ang komite sentral na hindi awtorisado ang mga paglusob. “Matagal na nilang inaabuso ang palusot na ‘yon,” nagngingitngit si Ermita.
Sa totoo, maraming taon nang nagdodoble-kara ang MILF. Iniangal na ‘yon ng opisyales sa Mindanao bago pa man tapikin ni Gloria Arroyo si noo’y paretirong military chief Hermogenes Esperon nu’ng Mayo bilang peace adviser. Malamang batid ni Esperon ang laro; nu’ng ine-extend pa lang ang dati niyang puwesto nu’ng Pebrero, nangako siyang wawasakin ang mga “mapanlinlang na kaaway ng Republika.”
Kaya lumilitaw ang tanong: Kung hindi pala kayang kontrolin nina MILF chair Al Haj Murad, vice chairman Gadzali Jaafar, spokesman Eid Kabalu, at chief negotiator Mohagher Iqbal ang 14,000 armadong rebelde, e bakit ba nakipag-usap sa kanila ang Malacañang?
Simula’t sapul inusisa na ng mga gobernador at meyor sa Mindanao ang awtoridad ng apat na makipag-peace settlement sa ngalan ng mga separatista. Imbis na pakinggan, tinuring sila mga peste ng Malacañang. Nakipagkasundo ito kay Iqbal ng Memorandum Agreement on Ancestral Domain. Kung hindi inawat ng Korte Suprema ang por- mal na pirmahan, mas malala pa sana ang nangyari.
Pagkakalooban sana ng Malacañang ng teritoryo hindi lang ang MILF kundi ang mas malaking “Bangsamoro nation.” Pero wala ring poder ang apat para katawanin ang mga Moro.
Nagpauto ang Malacañang sa mga huwad na MILF leaders. Kundi man, niluto talaga ang ilegal na MOA para magkagiyera o mawarat ang Konstitusyon, tulad ng hinala ng mga senador — para panatilihin si Arroyo sa puwesto.