DALAWANG buwan makaraang lumubog ang M/V Princess of the Stars sa karagatan ng Sibuyan Island, Romblon, pinayagan na ng Maritime Industry Authority (Marina) na muling makapaglayag ang mga barko ng Sulpicio Lines, Inc. Ang Sulpicio ang may-ari ng M/V Princess of the Stars na lumubog noong June 21, 2008 na ikinamatay ng 200 katao at may 600 pang nawawala. Hanggang sa kasalukuyan, nakataob pa rin ang M/V Princess at pinaniniwalaang nasa loob pa nito ang mga pasaherong na-trap makaraang lumubog nang makasalubong ang bagyong Frank. Hindi pa rin naman nakukuha ang nakalalasong kemikal na karga ng barko.
Sabi ng Marina, pinayagan na nilang makapagbiyahe ang mga barkong pamasahero at pangkargamento ng Sulpicio subalit may mga mahigpit na kondisyon bago makapaglayag. Kabilang sa mga kondisyon na kanilang ipinataw sa Sulpicio ay ang mahigpit na pagpapatupad sa safety regulations, pagkakaroon ng insurance, protection at indemnity coverage ng mga pasahero. Dapat ding makapasa sa sea worthiness audit ang lahat ng barko ng Sulpicio. Umano’y may 13 barkong nag-ooperate ang Sulpicio. Marami nang barkong pag-aari ng Sulpicio ang nasangkot sa mga sakuna sa laot at ang pina kagrabe ay ang paglubog ng M/V Doña Paz noong December 1987 sa karagatang malapit sa Oriental Mindoro kung saan 4,000 katao ang namatay. Nakabang gaan ng Doña Paz ang M/T Vector. Ilang barko pa ng Sulpicio ang lumubog at marami sa mga kaanak ng biktima ang nagsasabing hindi pa sila nakakuha ng hustisya. Maski sa kalulubog pa lamang na M/V Princess ay marami nang humihiyaw ng hustisya.
Mahigpit ang mga kondisyon ng Marina sa Sulpicio bago makapaglayag na muli ang mga barko. Ang tanong: Hindi kaya mauwi rin sa wala ang mga kondisyon na ito sa mga susunod na panahon. Sariwa pa ang paglubog ng M/V Princess at masyadong mainit pa ang mga awtoridad pero paano paglipas ng init. Hindi kaya balik sa dating masamang kaugalian na ang paghihigpit ay unti-unting lumuluwag. At ang tanong din, sa mga barko lang kaya ng Sulpicio naghihigpit ang Marina. Kung maghihigpit ang Marina, dapat ay sa lahat ng barko para masiguro na hindi na mauulit ang paglubog na ang mga kawawang pasahero ang nalalagay sa peligro. Ganoon man, dapat ngayong bantayan ang mga barko ng Sulpicio.