^

PSN Opinyon

‘Mga bolitas sa ulo’

- Tony Calvento -

HATAK NA NI KAMATAYAN ang isang paa nitong taong lu­ma­pit sa aming tanggapan. Lakas ba ng pananalig niya sa Panginoon dahil may misyon pa siya sa buhay o sadyang swerte lang siya na ipinagpaliban ang kanyang tipanan sa libingan?

Siya si Elpidio “Hapon” Carvajal, 47 taong gulang at na­ka­tira sa Taytay, Rizal.

“Kulay at dugong Pilipino ako. Kaya nila ako binansagan ng Hapon dahil daw sa mata kong singkit,” nakangiting si­nabi ni Hapon na halos mawala na ang kanyang singkit na mga mata.

 Si Hapon ay dating tricycle driver pero simula ng masira ang motor niya wala na siyang naging permanenteng trabaho. Lima ang kanyang anak at dahil na rin sa kanyang pagsisikap napag-aaral niya.

Naging masugid siyang taga-suporta ng dating purok leader nila sa Purok Siyete, na si Avel Delas Alas. Ayon sa kanya ang pagiging tapat niya dito ang naging dahilan ng panganganib ng kanyang buhay.

“Si Chairman Avel po ang nagpaganda sa lugar namin. May mga patubig din siya. Katulong siya ni dating Mayor Jun Zapanta, Congressman Jack Duavit at Governor Ynarez. Mabait na tao ‘yun at mabunting kaibigan,” sabi ni Hapon.

Ika-27 ng Mayo 2008, isang malaking himala ang nangyari sa buhay ni Hapon na maski na siya hindi makapaniwala na buhay pa siya ngayon.

Papunta sila ng asawa niyang si Analisa sa bahay ng bayaw na si Jerry Doctor. Dumaan sila sa harap ng bahay ni Jeremias Burayag, ang bagong talagang Purok Chairman.

“Habang naglalakad kami nakita ko si Jeremias na may hawak na shotgun habang nakatingin sa akin ng masama. Kasama niya yung dalawa niyang tauhan. Si Clarife o “Pinky” at asawa nitong si Nilo Jabagat. Mayroon silang pinaguusapan na hindi maganda tungkol sa akin,” ayon kay Hapon.

Hindi ito pinansin ni Hapon kahit alam niyang matagal na may galit sa kanya ang partido ni Jeremias. Tumigil sila upang makinig sa mga sinasabi ni Pinky kay Jeremias.

“Narinig ko si Pinky na sinusulsulan si Jeremias. Malakas yung boses niya, talagang pinaririnig sa akin yung usapan nila. Sabi, “Ayan si Hapon, kay Avel pa din yan. Tirahin mo na yan! Sabay turo sa akin,” kwento ni Hapon.

Naging mabilis ang mga pangyayari. Tinutukan siya ng shotgun at tinulak naman niya si Analisa palayo. Nung mga sandaling yun alam niyang hindi nagbibiro si Jeremias sa gagawin nito.

Pinaputukan siya  ng shotgun. Tumungo siya upang ilagan ang bala na dapat tatama sa kanyang dibdib. Dumetso ito sa kayang ulo.

“Nung nabaril na ako narinig ko pa na sinabi ni Pinky, ‘Mabuti nga sa kanya yan’ Hindi talaga ako makapaniwala na ganung kalaki ang galit nila sa akin. Wala naman akong ginagawang masama sa kanila,” kwento ni Hapon.

Maliwanag pa nung mga oras na ‘yun at maraming taong naka­palibot kaya madaming nakakita sa pamamaril kay Hapon.

“Mabuti naiwas ko yung katawan ko kundi napuruhan na ako. Diretso sa puso ang tama ko at hindi ako nakaligtas. Tatlong bolitas ang nakuha sa ulo ko ng inopera ito,” pahayag ni Hapon. 

Nakita ni Hapon na papuputukan siyang muli kaya’t tinangka niyang agawin yung shotgun. Tumakbo siya papunta kay Jeremias subalit nanghina na siya. Ang dami ng dugo na nawala sa kanya kaya’t umatras na lang siya at tumakbo.

Napuno ng dugo ang buong mukha niya. Hindi na niya makita ang kanyang dinadaanan.  Naglakad siya ng paika-ika habang naka-alalay si Analisa sa kanya. Nagpunta sila sa terminal ng tricycle at nagpahatid sa ospital.

Dinala siya sa Rizal Medical Center sa Pineda, Pasig City. Ayon kay Hapon kahit malayo ay pinili niyang magpadala sa RMC dahil dun ay sigurado ang kanyang kaligtasan.

Nababahala siya kung sa mga ospital sa Taytay siya dadalhin maaaring sundan siya ng mga ka-partido ni Jeremias at duon  tuluyan na siyang patayin.

“Naghahari-harian sila sa barangay namin. Si Jeremias kasama yung sekretarya niyang si Pinky. Kala mo kung sino. Malakas kasi sila sa kasalukuyang kapitan namin at kay Mayor,” pahayag ni Hapon.

Pagdating sa ospital agad siyang nilapatan ng paunang lunas at tinahi ang putok sa kanyang ulo. May tatlong bala ng shotgun ang nakabaon dito at hindi basta-basta matatanggal. Kailangan lumutang ang bala para hindi maging delikado ang operasyon.

“Iniisip ko na kaya ko ‘to. Hindi ako mahina at mabubu­hay ako para sa pamilya ko. Maliliit pa yung mga anak ko, hindi ko sila pwedeng pabayaan. Sila ang ginawa kong inspirasyon para makayanan ko ang dinadanas ko ngayon,” pahayag ni Hapon.

Inaresto naman si Jeremias, si Pinky at asawa nitong si Nilo. Dinala sila sa Taytay Police Station. Walang maipakitang lisensya ang shotgun na ginamit sa kanya ni Jeremias.

Positibo din itinuro ng mga testigo na si Jeremias nga ang bumaril kay Hapon kasama si Pinky at Nilo. Agad silang sinampahan ng kasong FRUSTRATED MURDER AND ILLEGAL POSSESSION OF FIREARMS AND AMMUNITION sa Prosecutor’s Office ng Taytay.

SA ISANG ORDER na nangaling kay Provincial Prosecutor Edgardo Bautista ng Rizal iniutos ang release ng mga respondents mula sa pagkakakulong at magsagawa ng isang Preliminary Investigation sa kasong isinampa laban sa kanila.

“Nasa ospital kasi nuon hindi kami nakaharap sa Inquest. Pati pamilya ko busy sa pagbabantay sa akin,” paliwanag ni Hapon.

Dumulog sa aming tanggapan si Hapon upang humingi ng tulong na mapabilis ang paglabas ng resolusyon upang mapanagot ang mga taong may kagagawan nito. 

“Ngayon nanganganib ang buhay ko. Anumang oras ay maaari nila akong bawian. Sana po makulong na sila para mabayaran nila ang ginawa nilang pagbaril sa akin,” panawagan ni Hapon.

Ni-refer namin si Hapon sa tanggapan ni Prov. Pros. Edgardo Bautista ay upang mapadali ang paglabas ng resolusyon. (KINALAP NI GAIL DE GUZMAN)

PARA SA MGA BIKTIMA ng krimen o may legal problems  tumawag sa 6387285. Maari kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Maaari din kayong magpunta sa aming tanggaan sa 5th floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: [email protected]

HAPON

JEREMIAS

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with