August 20, 2008 | 12:00am
SA Misamis Occidental, nagdagsaan ngayon ang mga refugee galing sa bayan ng Kolambugan na tumawid ng Pangil Bay. Kasama ng Kauswagan, ito ang sentro ng atake ng mga tinaguriang MILF “sub-commanders” sa Lanao del Norte. Ni wala man lang bitbit na pag-aari o kagamitan, ang mga pobre’y sumakay lang ng bangka patungo sa kabila ng laot para makaiwas sa karahasan ng mga rebelde.
Ang mga bayan ng Clarin at Tangub at lungsod ng Ozamis na nasa baybay din ng Pangil Bay ang kumupkop sa mga refugee. Siyempre, hindi naman mapagkakait sa kanila ang paggamit ng mga gymnasium, simbahan at paaralan. Subalit ang pinakamahalagang pangangailangan ng mga ito ang pinoproblema ngayon — saan kukuha ng ipampapakain sa kanila?
Kung papayagan ang paggamit ng calamity fund ng mga bayang ito, masosolusyonan sana. Pero may isyu rito: Ang calamity fund ng Clarin, Tangub at Ozamis ay maaaring gamitin kapag may kalamidad sa sarili nilang lugar at para sa ikagiginhawa ng sarili nilang residente. Paano ito gagamitin para sa mga taga-labas? At hindi lang legal ang usapan – ang pangamba ay kapag pinagamit ito sa mga naglikas sa karatig pook, paano kung sila naman ang inatake? Wala na silang magagastos para sa sariling pangangailangan.
Sa Maynila, sa mga matataas na baitang ng pamahalaan, ang MOA-AD ng GRP-MILF pa rin ang pinakamainit na usapin sa kasalukuyan. Maski sa Luzon at Visayas, napakalalalim ng sentimyentong lumulutang kontra rito, kadalasa’y mula sa mga taong hindi naman pamilyar sa buong kasaysayan ng pakikipaglaban ng mga kapatid na Muslim.
Habang pinagdedebatehan doon ang MOA-AD, pinagkakamatayan ito sa Mindanao. Apatnapu’t isang katao na, karamiha’y sibilyan, ang napapatay at tinata-yang madadagdagan pa ang bilang na ito. At hindi makalkula ang halaga ng nawala sa mga biktima ng digmaan. Napakamahal ng nakataya sa peace process kaya tanging taal at sinserong pakikiharap ang nararapat. Kapag ito’y ginamit sa mapansariling paraan, tiyak na may mga Pilipinong mamamatay. Anumang dugong dumanak ay sagutin ng nanamantala.