EDITORYAL – Maraming Pilipino ang di-alam mag-Filipino

NGAYONG Agosto ay buwan ng Wika. Dati ang pagselebreyt sa pambansang wika ay isang linggo lamang pero ginawa ng isang buwan. Para naman siguro maipamukha sa mga Pilipino ang wastong paggamit at pagsasalita ng tamang Filipino. Hanggang ngayon nga, marami pa rin ang hindi nakaaalam na ang Filipino ang pambansang wika. Patuloy pa ring ginagamit ang salitang Filipino bilang nationality at hindi bilang language. Dapat maiwasto ito para naman ang mga susunod na hinerasyon ay hindi na malito. Ang tao sa Pilipinas ay Pilipino at ang kanilang pambansang wika ay Filipino.

Maraming Pilipino ang hindi marunong mag-Filipino. At nakakahiya ang nangyayaring ito sapagkat kung ano pa ang pambansang wika, doon marami ang mahina. Ang nangyayari ngayon, mahina na sa Filipino ang mga Pilipino pero mahina pa rin sa English. Nakakaawa na talaga.

Sa isang report, marami ngayong nag-aaplay sa mga call center ang hindi pumapasa dahil mahina sa English. Sa sampung aplikante raw ay dalawa o tatlo lamang ang nakakapasa dahil bopol sa English. Sabagay, hindi gaanong nakakahiya ‘yan dahil hindi naman talaga salita ng Pilipino ang English. Ang mas nakakahiya ay kung bopol din sa Filipino. Saan na pupulutin ang mga Pilipino kung kapwa bopol sa English at Filipino? Saan nga ba talaga mahusay ang mga Pilipino?

Sa aming palagay, dapat parehong pag-aralan ang dalawang wikang ito. Ang English ang lengua franca ng mundo. Kahit saan magpunta, English ang nangungunang salita. Pero dapat din namang paghusayin ang pagsasalita at paggamit ng  Filipino na ating pambansang wika. Kung nagagawang pag-aralan ang pagsasalita at wastong gamit ng English dapat ganoon din ang Filipino.

Mapupuri si Supreme Court Chief Justice Reynato Puno sa pagsusulong na gamitin ang wikang Filipino sa court proceedings. Ayon kay Puno sa paggamit ng sariling wika magkakaintindihan ang nakara­raming sector. Sa mga regional trial courts sa Luzon ay Filipino na ang ginagamit sa pagdinig ng kaso.

Kung ang iba pang opisyal ng gobyerno ay katulad ni Puno, tiyak na maraming Pinoy ang hindi na magiging bopols sa sariling wika. Dapat lamang na maturuan ang mga Pilipino na mag-Filipino.

Show comments