‘Si bayaw kasi, eh...’

TINATANGGAP MO BA SIYANG MAGING KABIYAK NG IYONG PUSO? SA HIRAP AT GINHAWA SA HABANG BUHAY?

Ito ang mga salitang binibitawan tuwing ikinakasal sa harap ng Diyos. Ito rin ang mga pangakong madalas hindi natutupad dahil sa maraming hindi pagkakaunawaan.

August 4, 2008 ng pumunta sa aming tanggapan si Marilyn Castillo 44 taong gulang kasama ang kapatid na si Manuel Orticio 38 taong gulang pasan ang isang masakit na kinaharap ng kanilang bunsong kapatid na si Irene Orticio Villanueva.

“Tulungan n’yo po kami. Pinatay po ang kapatid ko ng asawa niya. Grabe po ang sinapit niya sa kamay ng lalakeng yun,” sabi ni Marilyn.

Si Irene ay  34 taong gulang. 12  taon ng kasal kay Domingo Villa­nueva Jr. o mas kilala sa tawag na Jhun.  39 taong gulang.  Isang jeepney driver. Sila ay may dalawang anak na lalake.

June 18, 2008 bandang alas siete y media ng gabi ng madatnan ni Irene ang kanyang asawa sa Em’s Vidoeke Bar sa Paliparan I, Dasmariñas, Cavite City.

Nakita niya itong umiinom ng alak. Sa galit ni Irene ay hindi niya napigilan ang kanyang sarili at inaway si Jhun.

“Sa sobra galit ay inaway ni Irene si Jhun. Sinabihan niya ito ng “Painom inom ka lang. Yung anak natin may sakit hindi mo man lang mapagamot,” kwento ni Marilyn.

Ayon sa kwento ng Manager ng Em’s kay Marilyn ay inagaw ni Irene ang bote ng beer na hawak ni Jhun.  Akala niya ibabato ito kay Jhun pero hinampas ni Irene yung bote sa pader.

Tumayo si Jhun upang lumabas ng nasabing vidoeke bar at sumakay ng jeep. Pinasasakay din niya si Irene at sinabi niya na umuwi na sila at hinihintay na sila ng kanilang mga anak.

Sumakay si Irene sa passenger seat pero ilang saglit lang ay bumaba din ito kaagad at sumigaw daw ito ng “Kung gusto mo magpakamatay ikaw nalang.  Wag mo na kami idamay ng mga anak mo.”

Sa puntong iyon ay kinausap na sila ng manager ng Em’s upang makaiwas sa iskandalo. Sinabihan si Irene na sumakay na sa jeep at umuwi na at sa bahay nalang sila mag-usap dahil iyon ay away mag-asawa lamang.

“Nung buhay pa si Irene ay nagkukwento siya sa amin na pagsinu­sundan niya si Jhun at nahuling may gina­gawang kalokohan ay hindi siya sumsakay sa jeep nito upang umuwi dahil natatakot si Irene sa bilis nitong magmaneho at baka ito pa ang maging sanhi ng kanyang kamatayan,” pahayag ni Marilyn.

Sabi ng manager kay Marilyn na nung sumakay na ang kanyang kapatid sa jeep ay pahintu-hinto ang takbo nito dahil sa sila ay nagtatalo pa rin.

Pagpasok ng kanilang jeep sa crossing ng Paliparan I ay nakita ng mga ticycle driver na humaharurot ang jeep na minamaneho ni Jhun at si Irene naman ay nakakapit sa kwelyo ng kanyang asawa.

Dahil sa pagmamadali ay nag-overtake si Jhun sa jeep na nasa harap nila.

Dito nakita ng driver na nalaglag ang katabing babae ni Jhun kaya sinigawan niya ito ng “Pare, pasahero mo nalaglag!”

Hindi kaagad huminto si Jhun. Sumigaw din ang mga tricycle driver na nalaglag ang pasahero niya.

Umatras siya ng kaunti at ilang minuto muna ang lumipas bago siya bumaba upang tingnan ang kalagayan ng asawa.

Walang matinding sugat na natamo si Irene kung meron man ay kaunting gasgas lang kaya inakala ni Jhun na hinimatay lang si Irene.

Pilit na ginigising ni Jhun si Irene. Yinuyugyog ang katawan pati na ang ulo at umaasang sasagot ito sa panalangin ni Jhun na siya’y gumising.

Pagbaba ng jeep ay pilit niyang binubuhat si Irene. May tumulong sa kanya na isang lalake para buhatin si Irene paakyat ng jeep. Tinanong niya si Jhun kung kilala niya ang babaeng nalaglag sa jeep. Sinagot siya ni Jhun na asawa niya ito at nag-away silang dalawa.

“Hindi niya kaagad dinala si Irene sa ospital. Pinipilit niya itong gisingin at nung isinakay na sa jeep imbes na dalhin sa pinakamalapit na pagamutan ay dinala pa niya ito sa bahay ni Kuya Federico Orticio o Kuya Ric naka­tatandang kapatid namin na nakatira sa bandang dulo ng Paliparan I,”  sabi ni Marilyn.

Tinanong ni Ric kung anong nangyari kay Irene.  Ang sagot ni Jhun ay nalaglag daw ito sa jeep.

Agad nila itong isinugod sa De La Salle University Medical Center, Dasmariñas, Cavite kasama si Aida Orticio.  Asawa ni Ric.

Dinala ang lupaypay na katawan ni Irene sa emergency room. Ang sabi ni Dr. John Paul Regala na kailangan i-CT Scan si Irene.

Wala silang dalang pera kaya kinakailangan pang umuwi ni Jhun para maghanap ng pera panggastos sa ospital.

“Bandang alas tres y media ng madaling araw ng puntahan ako ni Ate Aida.  Pagbukas ko pa lang ng pinto sinabi niyang magbihis ako dahil nasa ospital si Irene.  ‘Yung una ayaw niyang sabihin kung anong nangyari pero ‘di nagtagal ay sinabi niya rin dahil sa hindi ako mapakali.  Nagulat ako sa nangyari sa kapatid ko.  Halos himatayin ako sa nerbyos habang papunta kami dun,” naiiyak na pahayag ni Marilyn.             

Kinausap na sila Marilyn ng doctor at tinapat na wala ng pag-asang mabuhay si Irene dahil nung dumating ito sa ospital ay iba na ang kulay ng kuko at may dugo na sa tenga.

Dumating si Jhun kasama ang kapatid na si Juliet Villanueva dala ang P2,000. Hindi pa rin nila maipa-CT Scan si Irene dahil kulang pa rin ang kanilang pera kaya umuwi ulit si Jhun at Juliet upang makabuo ng P5,000.

Sinabi ni Ric kay Jhun na kahit anong mangyari may makakuha man itong pera o wala ay bumalik pa rin siya.

Alas otso na ng umaga ng maipa CT Scan si Irene. 

“Sabi ni Dr. Regala na kahit i-CT Scan si Irene ay hindi pa rin ito mabu­ buhay.  Hindi ito gamot na pagsumailalim siya dito ay gagaling siya.  Kahit ganon ang sabi ng doctor pina CT Scan pa rin namin siya para lang malaman kung ano ang nangyari.  Ayon sa findings ni Dr. Regala masyadong nakalog ang utak niya kaya para na itong gulaman,”  umiiyak na kwento ni Marilyn.

Ayon pa sa mga doctor ng nasabing ospital ay wala na silang  magagawa.  Ang kalagayan ni Irene ay hindi parang sakit na pagpinainom ng gamot ay ga­ galing din. Pagdadasal at Pagtanggap nilang ang mas mainam nilang gawin.

Alas diyes ng umaga ng bawian ng buhay si Irene. Binurol siya sa ba­hay ng kanyang biyanan na sina Rosie Villanueva at Domingo Villanueva.

Binigyan namin sila ng referral kay Dir. Nestor Mantaring ng National Bureau of Investigation upang magkaroon ng masugid na imbestigasyon ukol sa tunay na dahilan ng pagkamatay ni Irene.

“Ayaw na kaming kausapin at harapin ni Jhun.  Masakit ang nangyari sa aming kapatid. Hindi kami naniniwala na nalaglag lang si Irene sa jeep.  Masa­mang magbintang pero sa tingin namin sinadya nyang ilaglag si Irene sa jeep.  Malala ang naging pinsala ni Irene at hindi ito tumutugma sa sinasabi niyang dahilan na nalaglag lang sa jeep.  Gusto namin malaman ang tunay na nangyari. Gusto namin ang hustisya para kay Irene,”umiiyak na kwento Marilyn.

Natural lang sa isang relasyon ang ‘di pagkakaunawaan lalo na kung kayo’y mag-asawa na.  Pero hindi na tama kung ang inyong hindi pagkakasundo ay hahantong na sa pisikal na pananakit at magiging sanhi ng pagkamatay ng iyong asawa. (KINALAP NI JONA FONG)

PARA SA MGA biktima ng krimen, karahasan o legal problems maari kayong magtext sa 09213263166 o sa 09198972854, Maari din kayong tumawag sa 6387285. Ang aming tanggapan ay matatagpuan sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: tocal13@yahoo.com

Show comments