EDITORYAL – Drug test sa LTO huwag alisin!
MASYADONG mababaw ang dahilan ng Dangerous Drugs Board (DDB) kaya nirekomendang tanggalin na ang mandatory drug testing sa mga kukuha at magre-renew ng driver’s license. Masyado raw mababa ang turnout ng drug testing percentage ng mga positibo sa bawal na droga. Ayon kay DDB Chairman Vicente Sotto III, 0.4 percent lamang ang positibo sa illegal drugs at ito aniya ay dahil sa corruption. Marami aniyang corrupt na empleado
Masyadong mababaw ang dahilan ni Sotto para alisin ang mandatory drug testing. Hindi dapat sa panahong ito na laganap ang paggamit ng shabu at iba pang illegal drugs. Kung ngayon nga na may drug testing muna bago makakuha ng lisensiya ay may mga naglalakas ng loob pa ring kumuha, paano na kung wala na ito. Parang binigyan lang ni Sotto ng passes ang mga drug addict para malayang makakuha ng lisensiya. Katawa-tawa ang ideyang ito na pag-aalis sa mandatory drug testing. Lalo lamang ilalagay sa panganib ang mamamayan at ang mga motorista kapag inalis ang drug testing. Tiyak na maraming maaaksidente at mamamatay kapag nagkaroon ng lisensiya ang mga gumagamit ng droga.
Katawa-tawa rin naman ang LTO sapagkat open daw sila sa panukala ni Sotto na alisin na ang mandatory drug testing. Anong klaseng isip meron ang taga-LTO na sa halip na higpitan ang mga addict na kukuha ng lisensiya ay aayunan pa ang panukala ni Sotto. Hindi maganda ang kanilang naiisip lalo pa at ang dahilan lamang ay ang corruption daw at nagiging pabigat sa bulsa ng mga aplikante.
Sa halip na ayunan ng LTO ang panukala ng DDB ay bakit hindi ang mga corrupt na empleado sa LTO mismo na nakikipagkutsaba sa mga drug testing centers ang lipulin. Bakit hindi magsagawa ng mga pagsisiyasat at nang malaman ang mga drug testing center na namemera sa mga drug addict. Matagal nang nababalita ang ganito pero nakahalukipkip lamang ang pamunuan ng LTO. Kumilos naman kayo!
- Latest
- Trending