“IF you cannot teach me to fly, teach me to sing.” Huling huli ni Sir James M. Barrie (ang may akda ng nobelang PETER PAN) ang kapangyarihan ng pag-awit na tayo’y tangayin sa pakpak ng panaginip. Naiaangat nito at ng musika ang ating pagkamalikhain, ang mabisang pakikipagkomunikasyon, malayang self-expression at disiplina. Kaya’t ito’y itinuturing na mahalagang bahagi ng edukasyon.
Ang kaso’y may kamahalan ang music education. Mura ang pag-awit dahil boses lang ang katapat. Subalit kung instrumento na ang usapan, medyo malayo na sa budget ng karaniwang mag-aaral. Bilang na bilang ang mga pa mantasang may magandang music education program. Kung wala kang exposure dito, paano magkakainteres? Kung wala namang interes, paano mo hahanapin ang exposure? Ang resulta ay lipunang laki sa musika ng Wowowee at Eat Bulaga.
Kaya hulog ng langit itong OPUSFEST na itinatag ng Camerata dell’Arte Foundation sa pangunguna ni Prof. Jovianney Emmanuel Cruz, pinakapremyadong Filipino concert pianist. Taun-taon ay nakikipag-partner dito Pilipinas si Prof. Cruz at ang kanyang pangkat ng mga premyadong international concert artists – piano, violin, cello -– upang magbigay ng konsiyerto at ng Master Class kung saan pinapamahagi sa mga istudyante ang pagkadalubhasa sa Classical music.
Sa taong ito, kapartner ng OPUSFEST ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila. Sa makasaysayang Intramuros ay masasaksihan na rin ng mga iskolar ng Kamaynilaan at ng lahat pang may interes ang mga world-class na himig na tanging mga pinakamayayaman lang ang nakakarinig. Mula sa Carnegie Hall sa New York, sila’y tutugtog sa Mabuhay Hall ng PLM. Isang di mapantayang pagkakataon para sa mga karaniwang mag-aaral, mga iskolar ng pamahalaan.
Musikang katha ng mga immortal composers, na tinugtog ng mga dalubhasang walang kasintulad sa mundo – ito’y karanasang minsan lang makamit sa buhay ng tao. Ang adhikain ng mga matataas na tao tulad ni Prof. Cruz na ibahagi ang kanilang oras, talino at musika sa kanilang mga nangangailangang kababayan ay adhikain ng bayani. Sa handog ng OPUSFEST, para na rin tayong nakalipad sa alapaap!