EDITORYAL – Bantayan ang mga negosyanteng gahaman
KUNG tunay na nag-aalala si President Arroyo sa kalagayan ng mamamayan na sagad na ang bulsa dahil sa mahal ng mga bilihin, tulungan silang mailigtas sa mga gahaman at mandarayang negosyante. Kung totoong may malasakit sa mamamayan, atasan ang Department of Trade and Industry (DTI) na laging imonitor ang presyo ng mga bilihin para hindi madaya ang mamamayan.
Maraming reklamo ang mamamayan na dinadaya sila ng mga negosyante sa binibili nilang produkto. Karaniwang modus operande ng mga negosyante o mga may-ari ng tindahan ay ang bawasan ang timbang ng binibiling produkto. Kapag nga naman nabawasan ang timbang kikita sila nang malaki.
Sinasamantala ng mga gahamang negosyante ang pagkakataon para kumita. Masahol pa kay Drakula sa pagsipsip ng dugo ang mga negosyante. Hangga’t kaya nilang dayain ang consumers ay gagawin para lamang lumobo ang kanilang kita. Hindi na nakonsensiya ang mga negosyante sa kalagayan ng mga isang kahig, isang tuka. Hindi na natakot ang mga negosyanteng mandaraya sa babala ni President Arroyo na lilipulin sila.
Isa sa mga inirereklamo ng consumers ay ang pagdaya ng mga negosyante sa laman ng liquefied petroleum gas (LPG). Marami ang nagtataka sapagkat hindi pa gaanong natatagalan na nabili ang isang tangke ng LPG ay ubos na kaagad. Umaabot na sa P600 ang isang tangke ng LPG sa kasalukuyan. At nakadidismaya na sa kabila nang ubod na mahal na LPG ang mga lintang negosyante ay nagagawa pang dayain ang kanilang customers. Binabawasan ng laman ang kanilang ibinebentang LPG.
Hindi lamang ang LPG ang binabawasan ng timbang kundi pati na rin ang iba pang paninda. Basta nakalingat ang kustomer, nagagawang madykin ang timbangan ng bigas, karne, isda at maski mga gulay at prutas. Basta makakalusot ay gagawin ng mga mandarayang negosyante.
Sabi ni President Arroyo sa kanyang SONA. hihilingin niya sa Kongreso na magpasa ng Consumer Bill of Rights para hindi madaya ang mamamayan. Dapat mahinto ang pandarayang ginagawa ng mga negosyante. Dapat maproteksiyunan ang mga consumer.
Nararapat matupad ang pangako ni Mrs. Arroyo. Hindi dapat mamayagpag ang mga mandarayang negosyante na masahol pa kay Drakula kung makasipsip ng dugo.
- Latest
- Trending