Gobyernong maka-diyos ihanda na natin
PEOPLE of God, rise up at ihanda na ang pagkakaroon ng isang administrasyong tunay na maka-diyos sa 2010. Mga politiko, isaisantabi ang personal na interes at suriin ang motibo sa pagsawsaw sa politika.
Kung nagawa ito sa Pampanga noong nakaraang lokal na halalan, magagawa ito sa buong Pilipinas. Sino ang mag-aakala na ang isang Paring Katoliko ay magwawaging gober nador? Ang kalaban niya’y masasalapi at kilalang political kingpins ng lalawigan pero si Governor Ed Panlilio pa rin ang naluklok sa pinakamataas na puwesto sa probinsya.
Kung gusto ng Diyos, walang makahahadlang kahit pa salapi, impluwensya at nakamamatay na sandata. Nakatatawa. Si Governor Panlilio pa ang inaakusahang nandaya sa eleksyon. Napakalaking tulong ng sama-samang panalangin at pag-aayuno ng mga taong may takot sa Diyos para manalo si Gov. Panlilio. Kung ngayon pa lang ay gagawin na ang ganyan ng mga taong may hangaring mareporma ang sistema ng pamahalaan, ano pa man ang kanilang relihiyon, diringgin iyan ng Diyos at sa 2010 ay magtatalaga Siya ng isang Presidenteng may takot at sumusunod sa panuntunang ng Diyos.
Iyan ang gawin nating lahat sa halip na mag-isip ng pag papabagsak sa kasalukuyang administrasyon na matatapos na sa loob ng isang taon at siyam na buwan. Magdasal, mag-ayuno at humingi sa Panginoong Diyos ng isang leader na maka-diyos. Ibig nang wakasan ng Diyos ang talamak na kasamaang umiiral sa pamahalaan pero gusto Niya na tayo ang magbalik-loob sa Kanya at humingi ng pagbabago. Sarili muna natin ang baguhin at ibalik ang tunay na pagka-maka-diyos.
Kung naghihirap man ang bansa, may pagkukulang din tayong lahat. Ganito ang sinasabi ng Biblia sa isang bansang binubuo ng mga taong may takot at pag-ibig sa Diyos:
“The Lord will open the heavens, the storehouse of His bounty, to send rain on your land in season and to bless all the works of your hands. You will lend to many nations but will borrow from none. The Lord will make you the head, not the tail. If you pay attention to the commands of the Lord your God that I give you this day and carefully follow them, you will always be at the top, never at the bottom.” DEUTERONOMY 28:11-13.
Sa mga talatang iyan ay nakikita natin kung bakit laging kulelat ang Pilipinas. Naturingang tanging Kristiyanong bansa sa Asya pero isa sa pinaka-tiwali. Baon na sa utang lagi pa ring umuutang. Panahon na para magkaisa tayo sa panalangin para matapos na ang era of corruption sa ating bansa.
- Latest
- Trending