EDITORYAL – Nag-aalala sa maybahay at padre de pamilya pero hindi sa populasyon
TUTOL si President Arroyo sa Reproductive Health Bill at pinapaboran ang natural na family planning. Ayaw niya ng artificial contraception na kagaya ng condoms. Ang Simbahan ay ganyan din ang paninindigan. Hindi sila pabor sa paggamit ng mga contraceptives para mai-promote ang family planning. Sabi pa ng isang Obispo, ang mabisang paraan daw para hindi dumami ang anak ay bawasan ang panggigigil ng mga mister sa kanilang mga asawa.
Sa nakaraang SONA ni Mrs. Arroyo ay labis-labis ang pag-aalala niya sa mga maybahay at padre de pamilya na pumapasan ng mga pananagutan para sa pamilya. Sa kanyang tinig ay wari bang naroon ang matinding pamumroblema sa bawat pamilya.
Narito ang bahagi ng mga sinabi ni Mrs. Arroyo sa kanyang SONA noong Lunes: “Nag-aalala ako para sa nakaaawang maybahay na pasan ang pananagutan para sa buong pamilya. Nag-aalala ako para sa magsasakang nasa unang hanay ng pamban-sang produksyon ng pagkain ngunit nagsisikap pakanin ang pamilya.
Nag-aalala ako para sa 41-year old na padre de pamilya na di araw-araw ang trabaho, at nag-aabala sa asawa at tatlong anak, at dapat bigyan ng higit pang pagkakakitaan at dangal…”
Matindi ang kanyang pag-aalala sa mga pamilya. Pero ang pag-aalala niyang ito ay hindi naman tumutugma sa kanyang pagsalungat sa Reproductive Health Bill na dapat ay maipatupad para sa lumalalang population problem. Ang Pilipinas ay ika-4 sa mga bansa sa buong daigdig na may pinakamaraming populasyon. Kung hindi mapipigilan ang pagdami ng mga Pinoy, nakaamba ang malaking problema sa pagkain. Ngayon pa lamang ay grabe nang hirap ang dinaranas dahil sa krisis sa pagkain. Paano pa kung lumobo nang lumobo ang mga Pilipino? Sa kasa lukuyan, mahigit nang 90 milyon ang mga Pinoy.
Kung talagang nag-aalala si Mrs. Arroyo sa kalagayan ng mga maybahay at padre de pamilya na pinapasan ang hirap para lamang maigapang ang kanilang pamilya, dapat sana ay maituro niya ang kahalagahan ng family planning kung saan ang mga epektibong paraan ang dapat gamitin. Oo nga’t maaari ang natural na family planning pero hindi ito ganap para masupil ang pagdami ng mga Pinoy. Hindi gaanong epektibo para masolusyunan ang pagdami ng pabrika ng mga bata.
- Latest
- Trending