Jaycees Senate: Kailangan natin ng makabayang doktor
NAKAUSAP ko kamakailan ang napakabait at napaka-galing na si JC Senator Melandrew “Mel” Velasco. Ang Jaycees ang nagpasimuno ng tanyag na awards tulad ng The Outstanding Young Men (TOYM), at The Outstanding Filipino (TOFIL).
Si Mel ang Chairman ng panibagong award ng Jaycess, ang The Outstanding Filipino Physician (TOFP). Si Mr. Joel Sarmiento naman ang namumuno sa Search Committee. Ang parangal ay binibigay sa mga doktor na nagmamahal at nagsisilbi sa ating bayan, lalo na sa mga mahihirap.
Bakit kailangan ng makabayang doktor?
Ayon kay Mel, matagal pinag-isipan ng Jaycees kung papaano sila makatutulong sa ating bansa. Ano ba ang pangunahing problema ng Pilipinas? Corruption, drug abuse, family planning o iba pa?
Pagkatapos ng maraming usapan, isa ang kanilang sagot: Ang problema ng Pilipinas ay ang pag-alis ng halos 3,000 doktor bawat taon para mangibang bansa. Nauubos na ang mga magagaling at makabayang doktor.
At hindi lang doktor, pati na rin mga nars at teachers ay nangingibang bansa na. Kawawa naman si Juan De La Cruz.
Dahil dito, itinatag ng Jaycees Senate ang parangal na The Outstanding Filipino Physician (TOFP) para magbigay inspirasyon sa mga health workers at sa buong bayan, na dapat muna tayo magsilbi sa Inambayan, bago lumikas dito.
Ang nagsuporta sa TOFP Awards ay si Secretary Francisco Duque ng DoH, ang PhilHealth, at PCSO Chairman Valencia. Si National Artist Mr. Ramon Orlina ang taga-ukit ng glass award. Sa ngalan ng mga nanalo sa TOFP, maraming salamat po sa inyong hirap at dedikasyon.
Mabuhay po kayong lahat!
Libreng operasyon para sa sakit sa puso
Bukod sa pagiging JC Senator, marami pang ibang mga mabubuting proyekto si Mel. Siya ang Executive Director ng Project Heart Matters, isang proyekto ng Rotary Club West Cubao,
Ang Project Heart Matters ay itinaguyod sa tulong ni First Gentleman Mike Arroyo noong siya’y nagkasakit sa puso. Nagbigay si FG ng P1 milyon para sa mahihirap na pasyente.
Ang isa sa kanilang natulungan ay si Reygie Begonia, isang pasyente ng Philippine STAR Operation Damayan. Si Reygie ay anim na taong bata na may butas sa puso. Napaiyak si Gloria Begonia, nanay ni Reygie, nang matanggap niya ang tulong ng Rotary Club West Cubao.
Salamat sa Rotary Club West, kay Attorney Norman Verzosa (Presidente), at Mr. Nestor Atienza (Director). God bless po!
Ito po ang e-mail ni Mel Velasco: [email protected]
* * *
Email: [email protected]
- Latest
- Trending