MATIBAY talaga ang kapit ni Napolcom Director Sablay kay DILG Secretary Ronaldo Puno. Dahil sa halip na paimbestigahan ni Puno si Sablay sa maanomalyang renovation ng gusali, aba’y mukhang inayunan pa niya ang lahat ng kagustuhan sa naturang ahensya, he-he-he! Magkano kaya ang nagging komisyon ni Puno sa mga proyekto ni Sablay!
Mantakin n’yo mga suki binalingan ni Sablay ang kanyang mga maliliit na empleyado matapos siyang batikusin sa kanyang proyekto.
Mula umano nang mabanatan ko si Sablay, naging masalimuot na ang galaw ng mga maliliit na empleado ng naturang ahensya kagaya ng Public Information Office (PIO)
Ang dating tanggapan umano ng PIO ay nasa 5th floor ng naturang gusali kaya madaling mahagilap ng reporters ang mga opisyal ng naturang ahensya sa tuwing may magnanais na mag-interview ukol sa mga isyu.
Dahil nga sa negatibo ang naging isyu kay Sablay ay inilipat ang PIO sa ground floor ng naturang gusali kung saan nakaimbak ang mga materyales na ginagamit sa konstraksyon. Mabuti pa nga umano ang puwesto ng mga sidewalk vendors ay maayos pa, samantalang ang ginawang opisina ng PIO ay ubod ng dumi at masukal.
Kaya umano inilipat ang PIO sa ground floor ay sa kadahilanang walang ginawang aksyon ang mga ito upang ibangon sa kahihiyan ang naturang ahensya sa mga puna ng mga mamahayag at kolumnista, he-he-he! Naghanap pa pala ng magandang accomplishment si Sablay!
Nais umano ni Sablay na sa ibaba na lamang ang PIO ito’y upang mapigilan ang ilang reporters na makita ang lahat ng mga under the table na transaksyon. Duda kaya si Sablay na mga reporters ang nagpaparating sa akin ng informasyon?
Nagkakamali ka Director Sablay, dahil ang lahat ng kabulastugan diyan sa opisina mo ay personal na ipinararating sa akin ng iyong mga kawani. Get mo Dir. Sablay!
Paano nga naman makukuntento ang mga maliliit na empleyado kung ang kanilang mga katawan ay naka-expose sa mainit at maalikabok na kapaligiran. Samantalang naka-aircon ka at ang lahat ng opisina ng mga opisyales mo.
Halos ang karamihan na ng iyong mga empleyado ay nagkakasakit na sa baga dahil sa nalalanghap nilang alikabok, karamihan din sa kanila ay tinatamaan ng trangkaso dahil sa super dumi ng kapaligiran, samantalang kayong mga opisyales ay kukuya-kuyakoy sa malinis at malamig ninyong silid.
Kalat na kalat na talaga ang virus sa naturang gusali kung kaya ang karamihan sa mga ito ay nagkaka-highblood sa araw-araw na pagkabugnot sa kanilang sitwasyon.
Kaya naman super sa bagal ang pagdinig sa mga asunto ng kapulisan dahil sa hindi magandang pagtrato ni Sablay sa kanyang mga tauhan. Ano pa nga ba ang maasahan ng mga sibilyan kung mismong mga opisyal at kawani ng Napolcom ay hindi magkasundo at nagtutulungan. May aasahan pa bang serbisyo publiko sa kanila? Tamaan ka rin sana ng sakit sa baga upang maranasan mo ang pagmaltrato sa iyong mga tauhan.
Aba Secretary Puno, gumawa ka ng hakbang para malutas ang di-pagkaka-unawaan diyan sa NAPOLCOM ng ang mamamayan ay mapaglingkuran nang maayos. Bawasan mo ang pangil ni Sablay upang matutong kumilala ng mga maliliit na empleyado.