SABI marami raw pinagdaraanang exam o test ang mga nag-aaplay na pulis. Hindi raw basta nakapagpupulis at kailangang daanan ang mga mahihirap na test — psychological at physical.
Pero bakit ngayon ay naglutangan ang mga pulis na rookie na kung anu-anong kabalbalan ang ginagawa. Bakit nakapasok sa PNP ang mga ganitong klase ng aplikante na ngayon ay nagbibigay-dungis sa organisasyong pinamumunuan ni Director General Avelino Razon Jr.
Habang walang tigil si Razon sa kapo-promote ng mga programa para sa ikagagaling ng imahe ng mga pulis, wala namang tigil ang kanyang mga tauhan sa pagsira nito. May programang “Mamang Pulis” para mapalapit sa kalooban ng mamamayan. Pero nawawalan ng saysay ang pagsisikap ni Razon dahil sinisira nga ng kanyang mga tauhan.
Nitong nakaraang mga araw, sunud-sunod ang isyu sa mga miyembro ng PNP na gumagawa ng kabuktutan. Napanood sa balita sa TV at nabasa sa mga diyaryo ang mga katarantaduhang ginawa ng mga pulis na ang karamiha’y may ranggong Police Officer I. May mga pulis na nanggulo sa isang KTV bar. Nanakot ng mga kustomer at may-ari ng club sa pamamagitan ng panunutok ng baril. Lasing na lasing ang mga pulis. Nang arestuhin ng mga kapwa pulis ay naghamon pa ng suntukan. At ang masakit pa, binanggit pa ang pangalan ni Razon na nagsasabing hindi siya natatakot dito kahit na isumbong.
Ang pinakamatindi ay ang pagkakasangkot ng isang police colonel sa isang natuklasang shabu laboratory sa Naguilian, La Union. Sabi ni Razon, matibay ang ebidensiya laban kay Dagupan City police chief Supt. Dionicio Borromeo. At bukod umano kay Borromeo, marami pang pulis ang maaaring sangkot sa operation ng shabu lab sa La Union.
Nabuwag ng mga pulis ang shabu lab na may mga sopistikadong equipment sa pagluluto ng methamphe-tamine hydrochloride noong nakaraang July 9. Ayon sa mga awtoridad, kayang mag-produce ng shabu worth P1-trillion ang laboratory.
Kawawa si Razon sapagkat habang nagsisikap siyang kayurin ang dungis ay patuloy ang kanyang mga tauhan sa pagsasaboy ng dumi.
Sana ay maging maingat na ang PNP sa pagpili ng aplikanteng pulis. Huwag basta kumuha at idaan sa masusing paraan. Mahirap nang makakuha ng scalawags na pulis.