EDITORYAL – Lihis sa katotohanan ang SONA

AYON sa survey Pulse Asia, 40 percent ng mga Pilipino ay naniniwalang ang State of the Nation Address (SONA) ni President Arroyo sa Lunes ay malayo na naman sa katotohanan. Ginawa ang survey mula July 1 hanggang 14.

Ang SONA sa Lunes ay ikawalo na ni Mrs. Arroyo. Una niyang SONA ay noong July 2001 anim na buwan ang nakalipas makaraang mapatalsik sa puwesto si dating President Estrada na naakusahan ng pandarambong at pagsira sa pagtitiwala ng taumbayan. Sa unang SONA ni Mrs. Arroyo ay ipi­nangako niya ang pagkakaroon ng milyong trabaho ng mga Pilipino. Marami ang natuwa sa unang SONA sapagkat ang unemployment ang isa sa mga matin­ding problema ng mga Pilipino. Dahil sa kawalan ng mapapasukang trabaho, marami ang napipilitang mangibang bansa at doon nagpapatulo ng pawis. Pero marami ang nadismaya sapagkat pagkalipas ng pitong taon, lalong nadagdagan ang mga nangi­ngibang bansa sapagkat wala pa ring makitang trabaho sa Pilipinas.

Ang mga sumunod na SONA ni Mrs. Arroyo ay may kinalaman sa pagkakaroon ng makakain sa hapag ng bawat Pilipino, matitirahang maayos na bahay at muli ay ang mapagkakakitaan. Tatlong bata pa ang pinrisinta sa kanya na umano’y nagpaanod ng mga bangkang papel sa Ilog Pasig at bawat bangka ay may mga kahilingan ng  tatlong bata: Pag­ kain, trabaho at masisiliungang bahay. Pagkalipas ng pitong taon, marami pa rin ang walang makain, walang masilungan at walang trabaho.

Sumunod na SONA ng Presidente ay may kina­laman sa pagdurog sa mga smugglers, drug traffickers, illegal gambling at mga corrupt sa pamaha­laan. Ngayon pagkalipas ng pitong taon, lalo pang bumagsik ang sindikato ng droga sapagkat mis­mong sa Subic Bay Free Port na ipinapasok ang talak­san ng shabu. Lalong bumangis ang mga smugglers ng sasakyan, agricultural products, textile, motor­siklo at iba pa. Kinakalong ng mga pulitikong malapit sa administrasyon ang mga smugglers at nalulugi ang pamahalaan ng bilyong piso sa buwis.

Hindi masisisi kung dumami ang mag-expect  na walang katotohanan ang ilalahad ni Mrs. Arroyo sa Lunes. Hindi maitatago ang katotohanan sapagkat nakikita na sagad na sagad na ang dinaranas na kada­hupan ng mamamayan. Marami ang hindi naliligayahan.

Show comments