SA Lunes ay mag-uulat sa taumbayan si President Arroyo. Ikawalo niyang State of the Nation Address (SONA). At kung mayroon man siyang irereport ukol sa pagbabago ng buhay ng mga Pilipino sa loob ng walong taon na kanyang panunungkulan, huwag sana siyang magkamali sa pag-uulat. Baka lalo lamang bumaba ang kanyang performance rating. Mas mabuti pa kung aminin niya ang katotohanang bigo ang programa para sa mga mahihirap.
Sa report na nanggaling sa Asian Development Bank (ADB), tahasang sinabi na salat sa tagumpay ang programa ng gobyerno para sa mga mahihirap. Hindi nagawa ng gobyerno na mapabuti ang buhay nang maraming isang kahig. isang tuka sa bansa.
May himig pagkadismaya sa sinabi ng ADB na todo ang suporta ang ginagawa nilang pagtulong sa loob ng limang taon sa Pilipinas subalit walang makitang pagbabago. Walang nakitang improvements sa kabila na ang naipautang ng ADB sa Pilipinas ay $10-billion. Kabilang sa mga dapat pondohan ng ipi nautang ng ADB ay ang pagdebelop sa capital markets at ang pagsiguro sa reliable power supply. Ayon sa ADB mahina pa rin ang revenues ng bansa. Bumagsak sa 14.1 percent ang koleksiyon noong nakaraang taon gayong ang target ay dapat ay 14.8 percent. Tumaas din ang bilang ng mga naghihirap, 32.9 percent ng kabuuang population noong 2006 gayung sinasabi ng gobyerno na umuunlad ang ekonomiya.
Hindi mapipigilan ang ADB o sinumang nagpapautang sa Pilipinas na ilabas ang kanilang naisasaloob sapagkat sayang ang kanilang pondo na ipinauutang. Kaya nila pinauutang ang mga mahihirap na bansa na gaya ng Pilipinas ay para maiangat ang kalagayan ng buhay ng mga isang kahig, isang tuka. Ayaw nilang masayang ang kanilang ipinauutang kaya naman lantaran ang kanilang pagsasabi na dapat gumawa ng paraan ang gobyerno na malutas ang kahirapan. Payo ng ADB, lumikha ng mga trabaho ang gobyerno. Matagal na anila ang problema sa unemployment pero hanggang ngayon ay nananatili pa ring problema. Ang kawalan ng trabaho sa bansa ang pangunahing dahilan kaya maraming Pinoy ang nangingibang bansa para magtrabaho. Hindi nababawasan ang mga OFW kundi dumarami pa.
Masakit ang sinabi ng ADB na nalampasan na ng mga katabing bansa ang Pilipinas kung ang pag-uusapan ay ang tagumpay laban sa kahirapan. Totoo ito. Hindi maikakaila ang kawalan ng sigasig ng gobyerno para malupig ang kahirapan.