EDITORYAL – Parami nang parami ang nagugutom
NAGKAROON na naman ng survey ang Social Weather Stations (SWS) at natuklasan nila na parami nang parami ang nagugutom. Ayon sa survey, umaabot sa 2.9 milyong pamilyang Pilipino ang nakakaranas na magutom. Noong unang quarter ng 2008 (January, February, March) 15. 7 percent lamang ang nakakaranas ng gutom pero ngayon ay lumobo na sa 2.9 milyong Pinoy ang nagugutom.
Kahit na hindi magsagawa ng survey ang SWS ay hindi naman maitatago ang nararanasang pag kagutom nang nakararaming Pilipino. Kung tutuusin, baka kulang pa ang porsiyentong nakalap ng SWS ukol sa mataas na bilang ng nagugutom sa kasalukuyan. Maraming isang kahig, isang tuka at hindi na alam ang gagawin kung paano ang gagawing paghihigpit ng sinturon para mapagkasya ang katiting na kinikita. Kamakalawa, sinabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na kinakailangan ng isang pamilya ng P858 para mairaos ang kanilang pangangailangan sa araw-araw. Saan kukunin ng mga karaniwang mamamayan ang ganoong halaga gayong kulang na kulang ang kanilang kinikita. Kulang pa sa bibig ang kanilang kinikita.
Ang walang tigil na pagtaas ng presyo ng petroleum products ang dahilan kung bakit parami nang parami ang mga nagugutom. Laging may chain reaction kapag tumaas ang presyo ng gasolina. Ngayon ay mataas na ang presyo ng mga delatang pagkain partikular ang sardinas, gatas, at iba pa. At walang magawa ang gobyerno ni President Arroyo kung paano mapapagaan ang pasanin ng mga kawawang Pinoy. Pinakiusapan nga ni Mrs. Arroyo ang tatlong malalaking kompanya ng langis at nagbaba naman ng P1.50 per liter. Subalit ang pagrollback ay hindi naman nagbigay ng kagaanan sa buhay ng isang kahig isang tukang mamamayan. Balewala lang.
Parami nang parami ang nagugutom at kung wa-lang magagawa ang kasalukuyan administration para malunasan ang nadaramang pagkagutom, patungo pa sa pagdami ang mga nagsasabing hindi na sila nakakatikim ng bigas. Sagad na ang kanilang kahirapan.
Mayroon namang magagawa ang presidente kung paano malulunasan ang gutom pero bakit ayaw niyang gawin. Mahirap pang alisin ang value added tax sa langis.
- Latest
- Trending