NANG dakipin ng pulis ang mag-amang Mayor Alvarez Isnaji at Haider Isnaji ng Indanan, Sulu, sa umano’y pagkidnap kay Ces Drilon, tila nag-iba ang pagkatao ng dati’y matapang na Justice Sec. Raul Gonzalez. Aniya, maaring magkaroon ng malagim na kahinatnan ang pagkaso sa mag-ama. “Nakokomplika ang sitwasyon sa Mindanao,” dagdag niya, kasi kung sa pakiramdam nila ay inaapi sila, hindi natin alam kung ano ang maaring gawin ng mga tauhan nila.” At tila nais pa niyang iabsuwelto agad ang mag-ama: “Mga VIP sila (sa Sulu). Respetado. Kaya maaring ‘yon ang rason kaya ginamit silang negotiators ng mga tunay na kumidnap.”
Napaulat nang husto ang animo’y pagkadungo ni Gonzalez. Sa ABS-CBN News Online nu’ng Hunyo 21, ang headline ay “Isnaji, son, charged; Gonzalez warns they may be repercussions”. Malayo ito sa dating ugali ni Gonzalez na pagsalitaan nang mapait at matapang ang mga kaaway ng Arroyo admin.
Ilang araw lang bago ang balita tungkol kay Gonzalez, merong isang kasinglungkot na ulat ukol sa PNP. Umano, 542 na officers na nais ma-promote sa full colonel o one, two at three-star general ay kumuha ng Police Executive Service Exam nu’ng Mayo. Aba’y 149 lang, o 27 percent, ang pumasa; 393 ang lumagpak sa buong bansa.
Karamihan ng bumagsak ay mali-mali ang sagot sa mga tanong tungkol sa dapat na desisyon sa harap ng nakikitang kilos ng civilian authorities. Naunahan sila ng emosyon at pamumulitika kaysa tungkulin.
Ehemplo ng tanong: “Kapag hinirang kang provincial director, wawasakin mo ba ang ilegal ng pasugalang jueteng? E paano kung pigilan ka ng regional director? At paano kung nakapatong sa sindikato ang gobernador o mas matataas pang opisyales?”
Bumagsak ang 73 percent na nagsabing aatras sila sa labanan sa jueteng kapag ‘yon ang nais ng regional commander o ng gobernador o ng Malacañang. Kumbaga, kakalimutan nila ang tungkulin at uunahin ang politika. Hindi ba’t ganoon din ang tono ng pananalita ni Gonzalez? Kung ganyan ang Secretary of Justice at pinaka-matataas ng opisyales mismo sa PNP, e paano na lalabanan ang krimen at itataguyod ang katarungan?