Pil-Ams sabik nang magkaroon ng bagong president ang RP
MARAMING Pil-Am ang interesado sa susunod na presidente ng Pilipinas. Kaya alam na alam nila kung sino ang mga nangunguna sa survey.
Popular sa Pil-Ams si Vice President Noli de Castro at hindi nga ba’t si Noli ang nangunguna sa sinagawang survey noong nakaraang linggo. Nababanggit din ang pangalan ni Senate President Manny Villar at ganundin sina Senators. Loren Legarda, Ping Lacson, Mar Roxas, Kiko Pangilinan, Richard Gordon at Francis Escudero. Si MMDA Chairman Bayani Fernando at Quezon City Mayor Sonny Belmonte ay nababanggit din ng Pil-Ams.
Sa palagay ko kaya masyadong interesado ang Pil-Ams sa 2010 elections ay dahil gusto nilang mapabuti ang takbo ng pamumuhay ng mga Pilipino. Gusto nilang gumanda na ang ekonomiya para mabawasan na ang paghihirap ng nakararaming Pinoy.
Gusto nilang magkaroon ng bagong Presidente para mabago na ang takbo ng pamamuhay ng bawat Pinoy.
Malaki ang naitutulong ng Pil-Ams sa ekonomiya ng Pilipinas. Dahil tumutulong sila sa kanilang mga mahal sa buhay na nasa Pilipinas, nagpapadala sila ng dollar at siyempre pa, nakikinabang ang Pilipinas sa padalang remittance. Buhay na buhay ang mga banko sa money remittances ng Pil-Ams.
Nadidismaya lamang ang Pil-Ams sapagkat masyadong talamak na ang korapsiyon sa Pilipinas. Kabi-kabila ang pangungurakot. At pati si GMA at ang kanyang pamilya ay parati na lamang may ibinabato ukol sa graft and corruption.
Nakikita ko na kaya sabik ang Pil-Ams sa pagkakaroon ng bagong presidente ang Pilipinas ay para maputol na ang talamak na katiwalian sa bansa. Gusto nilang mawalis na ang mga nagpapahirap sa bansa para naman mabago na ang direksiyon.
- Latest
- Trending