Kaakibat ang BITAG sa krusada ng House Bill No. 4315!
TULOY-tuloy ang pagdami ng mga nagiging biktima ng mga video scandal.
Magmula sa videong kuha sa cellphone camera, kumakalat papunta sa iba pang mobile gadgets hanggang sa pinakamalala nitong paraan ng pagpapakalat, pagpopost ng video scandal sa internet.
Ang mga private videos o scandal na ito ay naglalaman ng mga pornographic at sex video na kadalasan, lingid sa kaalaman ng mga babae sa video ang nasabing pagkuha.
Dito nagiging biktima ang marami nating kababaihan at ang nakakaalarma ngayon, pabata ng pabata ang mga nagiging biktima.
Kaya naman, buwan ng Hunyo, inumpisahang isulong ni Buhay Party List Representative Irwin Tieng ang isang batas na kung maipapasa ay kakastigo sa ganitong uri ng krimen.
Ang House Bill No. 4315 o “an act to prohibit and penalize the recording of private acts and other violations of the privacy of an individual, and for other purposes”.
Napapaloob dito ang pagbabawal at pagpaparusa sa sinumang magre-record at magpapakalat ng mga pribadong gawain tulad ng pagtatalik at iba pang paglabag sa privacy ng isang indibidwal na makakasira ng pagkatao at maging pagkakakilanlan ng biktima.
Sakop din ng House Bill No. 4315 ang usaping pagpayag o di-pagpayag at alam o lingid sa kaalaman ng biktima ang pagkuha ng nasabing video.
Tinatayang P100,000 (one hundred thousand pesos) hanggang P500,000 (five hundred thousand pesos) at limang taong pagkakabilanggo ang magiging kaparusahan sa sinumang lumabag dito.
Sa kasalukuyan, marami ang sumusuporta sa panuka-lang batas na ito at isa na rito ang BITAG. Kaakibat kami sa krusada ng batas na ito.
Habang dinidinig ang pagpasa sa panukalang ito at kahit maisabatas na ang House Bill No. 4315, hindi magsasawa ang BITAG na tugisin ang mga suspek na nasa likod ng walang pakundangang gimagamit ang makabagong teknolohiya, makapanira lamang at makapambiktima ng mga kababaihan.
Oras na maisabatas ang House Bill No. 4315, may lakas ng loob ng lumitaw ang mga naging biktima ng sex scandals at internet blackmail.
May pangil ng tutuldok sa krimeng ito, na sila mismo, hindi inaa-sahang magiging biktima nito.
- Latest
- Trending