MARAMI na ang natuwa nang sabihin noon ng Malacañang na tutulungan nila para mapabilis ang pagpapatapon ng United States kay dating Agriculture undersecretary Jocelyn “JocJoc” Bolante. Pero ang katuwaan ay napalitan ng pagkadismaya sapagkat wala pa ring nagagawang paraan para mapadali ang deportation ni Bolante. Nananatili pa sa kulungan si Jocande at patuloy na nilalabanan ang deportation proceedings laban sa kanya. Sinisikap niyang huwag maipatapon sa Pilipinas para makaiwas sa kanyang pagharap sa Senado kaugnay ng fertilizer scam na siya ang arkitekto.
At may bago na namang “patawa” o joke si Jocjoc para marahil mapigilan ang pagpapatapon sa kanya rito. Ayon sa report mayroon daw umanong nagtatangka sa kanyang buhay sa sandaling makauwi siya rito sa Pilipinas. At hindi lamang umano ang buhay ni Bolante ang nanganganib kundi pati na rin ang kanyang pamilya. Mayroon daw papatay kay Bolante at pamilya kapag nakauwi na rito. Nakaabang daw ang kamatayan sa dating Agriculture Usec.
Maraming nagtawa sa sinabi ni Jocjoc. Talagang itinuturing nilang isang joke ang sinabi ni Jocjoc na mayroong papatay sa kanya. Maski si Senator Francis Pangilinan ay hindi makapaniwala sa sinabi ni Jocjoc na mayroong nagbabanta sa buhay nito. Dapat na raw tigilan ni Jocjoc ang paghahalusinasyon tungkol sa sinasabing assasinasyon. Mahirap daw paniwalaan ang mga sinasabi ng dating Cabinet member ni President Arroyo.
Maraming beses nang inimbitahan si Jocjoc ng Senado para magbigay liwanag sa P728-million fertilizer scam. Pero patuloy itong inisnab ni Jocjoc. Umalis siya ng bansa nang madiskubre ang tungkol sa fertilizer scam. Ang scam ay may kaugnayan sa pagdi-distribute ng fertilizer sa mga magsasaka pero wala namang katotohanan. Umano’y ginamit lamang ang pondo para sa election campaign ni Mrs. Arroyo.
Katawa-tawa nga ang sinasabing asasinasyon ni Jocjoc. Sino ba ang magtatangka sa kanyang buhay? Mas makabubuti kung ang bibigyan ng pansin ay kung paano makakauwi at ilalantad ang katotohanan. Ang katotohanan lamang ang magpapalaya sa kanya.