^

PSN Opinyon

‘Walang dalaw’

DURIAN SHAKE -

“Walang dalaw”. Ito ang naging malimit na bukambibig ng mga nakararami sa mga 124 presong babae na nasa loob ng bagong-tatag na Correctional Institute for Women in Mindanao (CIW Mindanao) na nasa Juan Acenas Sub-Colony, Sto. Tomas, Davao del Norte, tuwing sila ay tina­tanong kung ano ang buhay nila sa loob.

Ang operation ng CIW Mindanao ay nagsimula noong September 18, 2007, isang araw pagkatapos dumating  dito sa Sasa Wharf lulan sa isang barko ang mga nasabing presong babae na nanggaling pang CIW sa Mandaluyong. CIW Mindanao ay ang kauna-unahang prison facility for women sa labas ng Metro Manila.

Kaya, ang mga nasabing 124 na presong babae ngayon sa CIW Mindanao ay parating sinasabi na “walang dalaw” tuwing sila ay kinukumusta dahil nasanay sila sa Mandaluyong na kung saan araw-araw  dalawa kung hindi tatlong non-government organizations, religious groups, civic groups ang mga dumadalaw at nagdadala ng kahit ano sa kanila doon sa Mandaluyong.

Ang CIW Mindanao kasi ay medyo may kalayuan sa kabihasnan. Ito ay nasa gitna ng malawak na banana plantation ng Tagum Agricultural Development Corporation doon sa Sto. Tomas na kung saan din naroon ang Davao Penal Farm na dating tinatawag na Davao Penal Colony o Dapecol. Hindi nga ito accessible agad sa kahit anong pampublikong sasakyan gaya ng CIW Man­daluyong na kung saan napakadaling puntahan ng mga naglipanang NGOs at ibang organizations sa Metro Manila.

Ang CIW Mindanao ay sadyang ginawa upang ito ay maging center para sa mga presong babae na taga-Min­danao. Ito ay upang sila ay madaling madalaw ng kani­lang mga kamag-anak na manggagaling pa sa iba’t ibang panig ng Mindanao.

Ayon kay Venancio ‘Venjo’ Tesoro, supervisor ng  Davao Penal Farm, na siya ring namamahala sa CIW Mindanao, 90 percent ng mga nasabing presong babae ay taga-Mindanao habang 10 percent ay yung may mga kasong sa katimugan nangyari.

Kaya nagtaka ako kung bakit na nandito na nga sila sa Mindanao at nagrereklamo pa ang mga presong ba­baing eto na wala silang dalaw.

Pinaliwanag ni Tesoro sa akin na ang dalaw na si­na­sabi ng mga presong babae ay hindi ang mga kamag-anak nila dahil ayaw nga raw minsan nilang makita ang mga kamag-anak nila dahil sila pa ang hihingan ng mga ito.

Karamihan sa mga kamag-anak ng mga presong babae ay medyo hirap din sa buhay at wala nga silang pamasaheng papuntang Mandaluyong noon, kahit nga rin dito sa CIW Mindanao sa Sto. Tomas.

Ang dalaw pala na gustung-gusto ng mga presong babae ay ‘yung mga NGOs, mga religious at civic groups na parating may dalang maraming pasalubong gaya ng sabon at kung anong kagamitan at pati na pagkain para sa kanila.

Madalang daw kung dumalaw ang mga nasabing groups sa CIW Mindanao. Kaya medyo nababagot na rin ang mga presong babae na ang pinagkakaabalahan ay ang pagtanim ng gulay sa bakuran ng prison facility.

At ito marahil dahil bagong tatag pa ang CIW Mindanao at kailangan pang ipagkalat sa lahat ng kinauukulan, lalung-lalo na sa mga kamag-anak ng mga presong babae na andiyan na sila sa Juan Acenas Sub-Colony.

Ang average na edad daw ng mga presong babae sa CIW Mindanao ay nasa 30 to 35 years old  at may mga  mas bata at mas matatanda rin na ang mga kinabibi­langang kaso ay theft, drugs, illegal recruitment at kahit na nga multiple murder.

Oo nga naman, paano ba naman madadalaw ng mga kamag-anak nila ang mga presong babae sa CIW lalo na ngayong walang hinto ang pagtaas ng presyo ng langis.

Baka nga aabot sa panahon na pati mga NGOs, religious at civic groups ay hindi na rin makakadalaw sa kanila sa CIW Mindanao dahil mahal na ang gasolina  pati na lahat ng bilihin, kasali na ang mga inaasahan nilang saku-sakong pasalubong.

BABAE

CIW

MANDALUYONG

MINDANAO

PRESONG

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with