Tag-araw at tag-ulan

Sa buhay na ito’y dalwang beses na lang

nagiging masaya itong ating buhay;

Ang isa’y tag-araw ang isa’y tag-ulan

maligaya na rin kahit gayunpaman!

 

Tayo’y Pilipino at sa bansang ito

dalwang panahon lang umiiral dito;

Panahong tag-init masasaya tayo -–

sapagka’t summer months sa lahat ng dako!

 

Panahong tag-ulan kapag sumasapit

nagiging luntian ang buong paligid;

Huni ng palaka, huni ng kuliglig

ating naririnig sa bayan at bukid!

 

Panahong tag-araw tayo ri’y masaya

dahil mga tao’y tungo sa probinsya;

Mga kamag-anak dinadalaw nila

sa ilog at dagat nagtatampisaw pa!

 

Kay lamig ng hangin sa tuwing uulan

bawa’t patak nito’y music sa bubungan;

Dalangin ng tao’y tubig na titighaw

sa natuyong lupa at mga taniman!

 

Ang init ng araw kung lubhang matindi

sa langit ang araw laging nakangiti;

Mga magsasaka’y bitbit ang tampipi

lalagyan ng palay at maraming binhi!

 

Basura at yagit sa mga lansangan

nalinis ng baha sa saganang ulan;

Ang walang patubig na mga palayan -–

sa tubig ng langit ay naging luntian!

 

Sa dalwang panahong naghahari rito

ito ay sapat ng lumigaya tayo;

Di na natin hangad umulan ng yelo

pagka’t tayo’y Pinoy hindi Amerkano!

 

Kung sobra ang lamig hindi natin kaya

Kung tayo’y may autumn p’wede pa rin sana;

Pero kung may winter tayo ay kawawa

sa lakas ng heater —– Meralco’y sasaya!

Show comments