INAKUSAHAN si Akbar sa pagpatay kay Hamil noong Setyembre 2, 1999 gamit ang kalibre .45 baril. Upang patunayan ang kaso, maraming testigo ang iniharap ng prosekusyon, kabilang na ang kapatid ni Akbar na si Ali. Sa kanyang testimonya, pinahayag ni Ali na si Akbar nga ang patraidor na pumatay kay Hamil.
Napag-alaman na bandang 5:45 ng hapon, nag-uusap sina Ali at Hamil sa tabi ng kubo sa may baybayin ng Zamboanga City. Nakaupo sila sa bangko. Isang trabahador sa taniman ng seaweed ni Hamil na nagngangalang Gamal ang nakatayo mga limang dipa ang layo sa kanila.
Biglang may pumutok na baril. Nang tingnan ni Ali kung saan nagmula, nakita niya ang baril na hawak ng dalawang kamay ng isang lalaki. Nakaumang ito sa bandang balikat niya. Agad sinunggaban ni Ali ang baril hanggang sa bumagsak ito. Noon lamang niya napagsino na ang kapatid pala niyang si Akbar ang may hawak ng baril. Nang bumagsak ang baril sa lupa, agad na tumakbo si Akbar papunta sa baybayin. Hinabol siya ni Gamal at nahuli. Iginapos ni Gamal si Akbar. Kinuha naman ni Ali ang baril at dinala sa mga pulis.
Binaril si Hamil sa likod. Pumasok ang bala sa kanyang batok at lumabas sa kanang pisngi. Namatay ito noon din.
Sa imbestigasyon ng mga pulis, napag-alamang walang lisensiya ang baril at walang “permit to carry” si Akbar.
Ayon sa korte, patraidor ang ginawang pagpatay ni Akbar kay Hamil. Pinabigat ang kaso dahil sa paggamit niya ng baril na hindi lisensiyado. Kamatayan ang hatol sa kanya. Kinuwestiyon ito ni Akbar. Ayon sa kanya, walang ebidensiya na makapagpapatunay na pag-aari niya ang baril o hawak niya ito bago nangyari ang pagpatay. Tama ba si Akbar?
MALI. Dalawang bagay lang ang kailangan upang mapatunayan ang kasong “illegal possession”. Una ay ang pagkakaroon ng nasabing baril at ang pangalawa, anumang patunay na ang akusado bilang may-ari o may hawak sa baril ay walang anumang papeles na pinanghahawakan bilang patunay na maaari niya itong dalhin sa labas ng bahay.
Sa kasong ito, napatunayan na may baril. Pangalawa, napatunayan din na talagang ginamit ni Akbar ang baril upang magawa ang krimen at wala itong kaukulang lisensiya. Ayon din sa batas (Sec. 5, RA 8294), kahit pa nga lisensiyado ito, hindi pa rin pinapayagan ang paggamit nito. Dangan nga lamang at noong Hunyo 30, 2006, ipinasa ang RA 9346 kung saan ipinagbabawal na ang parusang “death penalty”. Kaya ang parusang kamatayan kay Akbar ay ginawang reclusion perpetua na lamang. (People vs. Eling, G.R. 178546, April 30, 2008).