EDITORYAL – Maraming bata ang hindi nakapag-aaral

UMAABOT na sa 1.207 million ang mga batang may edad anim na taon ang hindi nakapag-aaral at nadadagdagan pa, ito ang sinabi ni Department of Education (DepEd) secretary Jesli Lapus. Ayon kay Lapus, mula 2007 ay dumami ang mga batang hindi nakapag-aaral. May mga bata na kahit nasa tamang gulang na para mag-grade one ay hindi magawang makapasok sa paaralan. At dinagdag naman ni Lapus na mas marami ang mga batang dapat nasa school pero hindi makapag-aral. Tinata­yang ang mga batang nasa tamang gulang na at hindi nakapag-aaral ay nasa 3.8 million.

Ang mga sinabi ni Lapus ay pinatotohanan naman ng surbey na sinagawa ng National Statistical Coordination Board (NSCB) na nagsabing isa sa bawat anim na mga bata ang hindi nakapag-aaral. Ayon sa NSCB, bumaba ng  83 percent ang mga batang nag-enroll sa primary  noong school year 2006-2007. At katulad ng sinabi ni Lapus, nagpahiwatig ang NSCB na patuloy pa ang pagkonti ng mga batang nag-eenrol sa grade one o primary.

Nakababahala ang ganitong report na maraming bata ang napagkakaitang makatuklas ng karunu­ngan sa paaralan. Ang ganitong problema ay hindi nararapat isawalang tabi ng pamahalaan. Dapat kumilos ang pamahalaan para matulungang maka-pa­sok ang mga bata lalo na ang mga anim na taong gulang na dapat ay nasa unang baitang na. Ang gani-t­ong edad ng mga bata ay nararapat marunong nang magsulat, magbasa at magbilang. Lubhang kaawa- awa ang mga bata kung mapagkakaitang makasulat, makabasa at makapagbilang lalo’t nasa edad na.

Ang problemang ito ay nalalaman naman pala ng DepEd at dapat lamang na sila ang manguna kung paano malulutas ang suliraning ito. Malaki ang naka­laang budget para sa edukasyon at nararapat la­mang na gamitin ito para matulungan ang mga kapus-palad na bata sa kanilang pag-aaral. Umisip nang mahusay na paraan ang DepEd kung paano hindi mapag-iiwanan ang mga bata sa pag-aaral.

Ang kahirapan ng buhay ang isa sa mga dahilan kung bakit kakaunti ang mga bata na nag-aaral. Sa halip na mag-aral, nagbabanat ng buto ang mga bata para may maitulong sa kanilang mga magulang. At natutuwa naman ang ilang magulang sapagkat musmos pa ay pinakikinabangan na.

Hindi dapat ganyan ang ugaliin ng mga magu­lang. Dapat nilang isipin kung paano mabibigyan ng edukasyon ang mga anak.

Show comments