FLAVOR of the month na naman si Romulo Neri. Matapos siyang italagang SSS chair ni Presidente Arroyo katakut-takot na tuligsa ang inaabot niya lalu na sa hanay ng oposisyon.
Isa sa mga matinding kumakastigo ay si Sen. Mar Roxas. Sabi ng barbero kong si Mang Gustin, naninibago raw siya sa ugali ni Senator Mar ngayon. Ani Gustin, dati siyang malu manay magsalita pero lately, para bang “laging galit sa mundo”. Pinuna ni Gustin ang pagsawsaw sa lahat ng isyu ni Roxas tulad ng pagtaas sa halaga ng langis na wala namang kontrol ang gobyerno.
Para sa’kin naman, may mga pagsalansan si Roxas sa administrasyon na inaayunan ko, gaya ng pansamantalang pag-aalis ng Evat sa langis, pero sa ibang usapin, marahil ay dapat siyang maging reasonable at mahinahon.
Halimbawa, kinukuwestyon niya ang integridad ni Neri para pamahalaan ang Social Security System na iniwanan ni Corazon dela Paz. Sa tingin ko naman, at ito’y akin lang pananaw, mahirap kuwestyonin ang integridad ng taong tumanggi sa P200 milyong inalok sa kanya ni dating COMELEC Chair Benjamin Abalos kaugnay ng nadiskarel na ZTE-Broadband deal.
Marahil ang patuloy niyang pag-invoke sa executive privilege para makaiwas sa busisi ng Senado kaugnay ng ZTE scandal ang tanging maipipintas kay Neri. Gayunman may alituntunin lamang siyang sinusunod na kinatigan naman ng Korte. Pero yung ginawa niyang pagtanggi sa nakasisilaw na halagang P200 milyon ay isang bagay na hindi magagawa ng kahit sinong “juan, pedro at jose.” Kaya ano pa man ang batikos laban kay Neri ay nangingibabaw ang kanyang magandang integridad.
Sa pamumuno niya sa SSS, tingin ko nama’y mayroon siyang magandang kredensyal, salungat sa sinasabi ng ibang oposisyunista. Magna cum laude siya sa UP, pitong ulit hinirang na administrador ng Kongreso, mahusay mamahala ng pananalapi at higit sa lahat, hindi nasangkot sa mga kickback at iba pang uri ng katiwalian. Maganda ang performance ni Neri sa mga mataas na puwestong tinanganan niya sa Kongreso, NEDA, Budget at CHED.
Isa pa, ano magagawa natin para tutulan ang choice ng Pangulo para sa kanyang executive branch? Puwede lang mag-ingay nang mag-ingay pero pampagulo lang iyan.