ANG Executive Order 464 ang kinakapitan ng mga taong nasa gobyerno para manatiling nakabusal ang kanilang bibig at nakatali ang mga kamay. Kaya habang nasa puwesto si President Arroyo na creator ng EO 464, walang makakamtang katotohanan sa mga misteryong nakabalot sa administrasyon. Mananaliting uhaw ang mamamayan sa inaasam na katotohanan. Hanggang 2010 pa ang nakabusal na bibig na mga Cabinet officials at iba pang executives ng gobyerno. Ang EO 464 ay inisyu ni Mrs. Arroyo noong September 28, 2005 kung saan ang lahat nang mga pinuno ng Executive Department ay kailangang humi ngi ng pahintulot sa Presidente ng bansa bago humarap sa mga hearing na ipatatawag ng House of Congress.
Isa sa mga nakinabang ng EO 464 ay ang bagong katatalagang Social Security System (SSS) administrator Romulo Neri. Dahil sa EO 464, nabusalan ang bibig na magsalita sa makontrobersiyang ZTE broadband deal. Ang tanging nasabi lamang ni Neri sa pagsisiyasat ng Senado ay ang panunuhol sa kanya ni dating Comelec chairman Benjamin Abalos. Hanggang doon na lamang ang nasabi ni Neri sapagkat nabalutan na siya ng EO 464. At ang pagkabusal ng bibig niya ukol sa ZTE deal ang naghatid sa kanya sa mataas pang posisyon sa SSS.
Marami ang humihiling na alisin na ang EO 464 at kabilang dito ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP). Sabi ng Malacañang pag-aaralan ang kahilingan ng CBCP pero ilang buwan na ang nakararaan mula nang manawagan ang CBCP, walang tugon ang Malacañang ukol dito. At malaki ang aming paniwala na hindi bubuwagin ang EO 464. At wala na ngang pag-asa pang makita ang katotohanan sa anumang kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga opisyal ng gobyerno. Mananatiling lihim ang lahat. Bukod sa ZTE deal, kontrobersiya rin ang tungkol sa fertilizer scam na sangkot si dating Agriculture undersecretary Jocelyn “Jocjoc” Bolante. Marami pang ibang kontrobersiya na mananatili na lamang lihim sa- pagkat protektadong EO 464.
Masyadong mabigat ang EO 464 sapagkat ang Presi dente lamang ang makapag-uutos sa opisyal ng gobyerno kung dadalo siya o hindi sa hearing na ipatatawag ng Kongreso. Kung ayaw ng Presidente, walang magagawa. Unang nakita ang kapangyarihan ng EO 464 nang hindi mapilit na magsalita noon sina Brig. Gen. Francisco Gudani at Lt. Alex Balutan nang ipatawag ng Senado ukol sa “Hello Garci” controversy. Kaya ang sinasabing pagbubukas muli ng imbestigas yon sa ZTE deal ay masyado pang masalimuot. Hindi mapipilit si SSS chief Neri na magsalita sapagkat may kapangyarihang nakalukob sa kanya at ito ay walang iba kundi ang EO 464.