Isang pumutok at bumukol na namang proyekto!

WALA na bang napapasukang maayos na kon-trata ang administrasyong ito? Ngayon, ang North­rail project naman ang pumuputok, dahil kulang na ang halaga na pinagkasunduan ng orihinal na kontrata. Dati ay $503 milyon ang halaga, ngayon ay “bumukol” na sa $802 milyon!

At ngayon, nagbabanta na ang kompanyang kinon­trata para gawin ang proyekto na hindi na itutuloy ang naturang proyekto kapag hindi nasunod ang mga napagkasunduan sa orihinal na kontrata, at kapag hindi nagbayad ng mga “utang” gawa ng bagong presyo ng kontrata!

Inilista pa ng China National Machinery and   Equipment Corp. Group o CNMEG ang lahat ng pag­kukulang at paglabag ng gobyerno natin base sa kasunduan ng unang kontrata. Nagbigay ng taning na 30 hanggang 60 araw para ayusin ang lahat ng paglabag, kundi mag-aalsabalutan na raw sila! At ano naman ang mangyayari sa perang unang ibina­yad na, kasama pa ang interes na ibinabayad sa banko?

Matagal nang binabanggit ang Northrail project na isa na namang maanomalyang proyekto, masahol pa sa ZTE/NBN. Sa halagang $802 milyon, masahol nga! At matagal nang balak imbestigahan ng Senado ang proyekto, na pinasukan ng   admi­nis­trasyong Arroyo noong 2004. Makahulugan ang taon na yon di ba? Pero dahil may mga testi-gong lumabas ukol sa mga anomalya sa ZTE/NBN, mas binigyan ito ng panahon. Dapat sana may lumabas din na parang Jun Lozada pero sa North-rail naman may alam.

At ngayon, namemeligro na ang proyekto na ayon naman kay dating Senador Franklin Drilon, nag­ba­bayad ang gobyernong ito ng halos isang milyong piso araw-araw para sa interes lang ng inutang! Ang dami talaga nating pera! Sinong nag­sabing mahirap ang Pilipinas? Napaka­rami ng magagawa ng isang milyong piso kada araw para sa bayan. Mga makabuluhang gawain para sa     lahat ng mamamayan!

Sa panahon ngayon, may pera pa ba ang bayan para sa ganitong klaseng palpak na proyekto? Ganitong klaseng pagtatapon ng pera? Lalo ko talagang hihingin na tanggalin na ang E-VAT sa mga produktong petrolyo kung sa mga ganitong walang saysay na gastos lang napupunta ang pera!

Ilang mga anomalya pa ang lalantad para ipakita kung gaano kalalim ang katiwalian sa adminis­ trasyong ito? Kung gaano kagahaman ang mga iba diyan, na halos hindi mabusog sa mga nakaw na yaman. Fertilizer scam, CyberEd, ZTE/NBN, North­rail, Southrail, swine scam, lahat na lang!

Anong paliwanag na naman ang ilalabas ng Malacañang ukol sa proyektong ito, na halos laya­san na ng mga gumagawa? Lumalabas na at uma­alingasaw ang mga itinatago!

Show comments