EDITORYAL – Kakulangan ng judges sa mga korte, iprayoridad

ANIM na taon ang ipinaghihintay ng mga akusado at ng mga nagsampa ng kaso bago pagpasyahan ang usapin. At hindi na nakapagtataka kung bago madesisyunan ang kaso ay matanda na ang akusado. Uugud-ugod na siya bago mabigyan ng desisyon sa kanyang kaso. Matagal na nakapiit sa city  jail saka lamang mabibigyan ng  desisyon. At paano kung ang desisyon ay wala pala siyang kasalanan?

Ang dahilan kung bakit matagal bago made­sisyunan ang kaso ay dahil sa kakulangan ng judges sa mga korte. Walang judges na magpapasya sa kaso kaya naman inamag na o nagkaroon ng agiw ang kaso ng nasasakdal. Panis na rin sa paghihintay ang nagsampa ng reklamo.

Tinatayang nasa 21 percent ang kakulangan ng judges sa mga korte sa bansa, Ganito kalaki ang prob­lema sa mga korte. Ang problemang ito ay matagal nang sinisigaw ni Sen. Francis Pangilinan. Kulang na kulang ang judges sa mga korte at kung hindi raw malalagyan ang mga bakanteng posisyon para sa mga huwes, lalo pang darami ang mga nakatambak na kasong dapat rebyuhin at pagpasyahan. Lalo rin namang darami ang mga nakakulong sa city jail. Isang halimbawa ay ang masyadong maraming  bilanggo sa Manila City Jail na umaabot na umano sa 2,000. Ang talagang laman lang ng MCJ ay 1,000 bilanggo. Marami sa mga bilanggo ang inaabutan na ng pagtanda sa jail. Doon na sila nabubulok dahil walang judges na magpasya sa kanilang kaso.

Noong isang linggo, nagalit si Supreme Court Chief Justice Reynato Puno sa mga judge sa Manila Trial Court dahil sa sobrang bagal nilang magde­si­syon sa mga ka­ song nakasampa. Tumaas ang boses ni Puno nang ma­lamang tambak ang mga kasong hindi madesisyunan.

Ang problema sa mabagal na pagdedesisyon sa mga kaso ay agad namang sinolusyunan ni Puno at agad na nagkaroon ng mobile court. Isang malaking bus ng Supreme Court ang ginawang korte at doon ay agad na dinidesisyuan ang mga kaso. Sa unang araw ng pag-iimplement ng mobile court ay 20 kaso ang agad nadesisyunan.

Ang programang ito ng SC ay maganda sapagkat agad na nadedesisyunan ang kaso. Kung bawat araw ay 20 kaso ang madedesisyunan, hindi malayong lumuwag na ang mga city jails. Ganoon man, dapat pa ring iprayoridad ng SC ang paglalagay ng judges sa mga korte para lalo pang mapabilis ang desisyon. Unahin ito ni Chief Justice Puno.

Show comments