NAKATUTUWANG pagmasdan ang picture ni Manny Pacquiao at ni Manny Pangilinan na lumabas sa mga pahayagan kailan lang. Itinaas ni Pangilinan ang kamay ni Pacquiao, isang pagkilala marahil sa kanyang pagiging kampeon. Totoo naman na kampeon si Pacquiao at sobra sobra pa nga, ngunit naiisip na kaya ni Pangilinan na siya ay isa ring tunay na kampeon?
Nasanay na tayo na tawaging “bayani” ang ating mga OFW, ngunit sa kabilang panig, sila ay maaari rin nating ituring na mga tunay na kampeon, dahil sa kanilang tagumpay na ma-knock out ang kahirapan sa kanilang pamumuhay, bagamat sa ibang paraan.
Si Pangilinan ay isang magandang halimbawa ng isang OFW na nagtagumpay sa abroad dahil sa kanyang husay at talino. Naging kilala siya sa larangan ng negos yo at teknolohiya, at sa kanyang pag-uwi, tuluyan niyang ginamit ang kanyang husay at talino upang pagyamanin ang kanyang mga kumpanya, kasama na rin ang kanyang inang bayan.
Iisa lamang si Pacquiao ngunit nagawa niyang kunin ang apat na korona ng boxing sa mundo, isang tagumpay na ngayon pa lang nakamit ng isang tao. Gusto natin na dumami ang mga katulad niya, ngunit hindi kaya mas higit na maganda kung lalong dumami ang mga katulad ni Pangilinan?
Apat na korona ang nakuha ni Pacquiao, ngunit ano kaya ang mangyayari kung magkaroon tayo ng apat na Pangilinan? Ano kaya ang magiging epekto nito sa kaunlaran ng ating bayan? Sa totoo lang, maraming mga dating OFW na mahusay din katulad ni Pangilinan, na dapat mabigyan ng tulong ng gobyerno.
Sa pagbabalik ng isang OFW, taglay niya ang karagdagang kaalaman na maaaring pakinabangan ng ating bansa. Hindi kaya mas maganda kung may sistema tayo kung papaano tanggapin ulit ang mga OFW na ito, at ibalik sila sa wastong negosyo katulad ng nangyari kay Pangilinan? Saludo ako sa dalawang Manny!