NAKAGUGULAT ang balitang ito. Napatunayan daw ng isang Commission on Audit (COA) Special Audit Team na ang kasunduang pinasok ng Government Service Insurance Service (GSIS) at ng Union Bank ay ilegal. Kapag nagkataon, malaking problema ito sa mahigit isa’t kalahating milyong members ng GSIS.
Ayon sa COA Audit Team na pinamunuan nina Atty. Leonor D. Boado at Atty. Joel S. Estolaran, ang awarding ng GSIS E-Card project sa Union Bank of the Philippines ay labag sa Republic Act 9184 (Act providing for the Modernization, Standardization and Regulation of the Procurement Activities of the Government and for Other Purposes). Hindi raw ito dumaan sa wastong bidding process.
Ayon sa COA Team ang pagtatalaga ng Union Bank bilang depository ng GSIS ay hindi makatarungan para sa 1.6 milyon na aktibo at retiradong miyembro ng GSIS. Kaya ang rekomendasyon ng COA: Agad ibasura ang kontrata ng GSIS at Union Bank gayundin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga mapapatunayang sangkot sa iregularidad.
Natuwa naman ang unyon ng mga rank and file employees ng GSIS sa resulta ng pagsisiyasat ng COA. Ayon kay Atty. Albert Velasco, dating pangulo ng Kapisanan ng mga Manggagawa sa GSIS (KMG), ito ay simula pa lamang at hindi maglalaon ay lalabas din lahat ng iregularidad at anomalyang bumabalot sa GSIS simula ng pamunuan ito ni Garcia.
Ayon pa sa KMG, ang pagbibigay ng E-Card project sa Union Bank ay hindi dumaan sa “open, transparent and truly competitive public bidding”. Sinabi rin ng mga union leaders na sa pagbibigay ng pabor sa Union Bank na pag-aari ng mga Aboitiz ng Cebu at dahil na rin sa bilyong pisong nakasalalay sa proyektong ito, maaring nakumbinse ang iba pang matataas na GSIS officials na paboran ang Union Bank at talikuran ang kapakanan ng mga miyembro ng GSIS at empleyado ng gobyerno.