Kinakalos ng Diyos?
Maraming sumakay sa barkong malaki
na ang hangad lamang sila’y makauwi;
hindi nila alam ang barko’y nagawi
sa maalong dagat at bagyong matindi!
Tumagilid muna ang nasabing barko
malalaking alon nasagasa nito;
hindi nakayanan ang lakas ng bagyo
kung kaya tumaob kasama ang tao!
Kaya hanggang ngayon ay hinahanap pa
mga pasaherong matanda at bata;
unaasa pa rin kamag-anak nila
na matatagpuan kahima’t patay na!
Ang sakunang ito’y isa sa marami
na kinasadlakan ng buhay na tangi;
may mga sakunang maliit at simple
pero buhay pa rin ang nangapuputi!
Halimbawa nito’y ang taong namatay
sa gitna ng bukid na kanyang taniman;
kulimlim na langit ay biglang lumitaw
matalim na kidlat -– ang tao’y nangisay!
Sa mga lansanga’y ating nakikita
taong nakamotor ay nabanggang bigla;
sa lakas ng impact motor ay nasira
at ang taong sakay-–nasa punerarya!
At may kamatayang likha ng salarin
na sa mundong ito’y ating mapapansin;
masasamang tao na ating kapiling
siyang pumapatay sa buhay na angkin!
Maraming tahanan ang biglang nawasak
libo ang nasawi dahil sa landslide;
sa tabi ng ilog —– bundok na mataas
inanod ng baha taong mahihirap!
Kamataya’y hatid ng mga sakuna
at ng kalikasang s’yang may tadhana;
dahil sa ang tao’y masama nang lubha
kaya kinakalos ng Poong Bathala!
- Latest
- Trending