NOONG Lunes nang madaling-araw, isang trak na may dalang ethanol ang sumalpok sa concrete divider sa may entrada ng Ayala underpass. Tumapon ang dalang ethanol sa kalye, kaya kaagad namang pinasara ito sa daloy ng trapik para makaiwas sa isang malaking disgrasya. Puwede kasing lumiyab ang ethanol. Nagdulot ito nang matinding trapik sa EDSA, na nagtagal nang halos anim na oras.
Noong Martes nang madaling-araw din, sa halos parehong lugar at oras, isang trak na may dalang buhangin naman ang sumalpok sa naturang divider, at tumapon ang dalang buhangin sa kalye. Ganun din, sinara ang kalye para linisin ang buhangin, at ganun din, trapik na naman hanggang umaga. Sa parehong aksidente, biglang umiwas ang mga trak sa mga sasakyan na gumitgit umano sa kanila, kaya sumalpok sa divider. Pero natural, agad namang nagduda ang MMDA sa mga kuwento ng mga drayber. Sigurado ako, na sa isip ng MMDA, kasalanan ng mga drayber iyan. At bakit hindi, paniwala ng MMDA, lalo na ang kanilang pinuno na si Chairman Bayani Fernando, na wala silang ginagawang mali, at lahat ng drayber ang mali sa tuwing may sumasalpok sa kanilang mga divider na nagkalat na sa EDSA. Para mangyari ang halos kaparehong aksidente sa parehong lugar sa halos parehong oras, siguro may kinalaman na ang lokasyon ng divider na iyan. Sentido komon na yun. Pero wala naman ganun sa MMDA dahil banal na salita nga ang mga utos ni Fernando. At nasaan nga ba si Fernando nang mangyari ang mga aksidente?
Parang Sulpicio na rin yan. Kahit nakakaapat na trahedyang dagat na, hindi pa rin sila ang mali. Sa totoo nga, lahat mali, pati na ang Diyos. Isama mo na ang Coast Guard dahil pinayagan naman daw silang lumayag. Siguro pati mga pasahero na rin mali dahil patuloy pa rin silang tumatangkilik sa Sulpicio. At sila pa ngayon ang naghahabla sa PAGASA at Del Monte Phils. Sa basketbol, ang pinakamagandang depensa ay isang magandang pagsalakay. Mukhang ganito na rin ang ginagawa ng Sulpicio, sa harap ng lahat ng bumabatikos sa kanila ngayon. Inumpisahan na rin nila ang “mga kamag-anak, may 200 kayo dito” na tulong, pero may kondisyon na kung tatanggapin nila ang 200 thousand, kailangan nilang pumirma sa kasunduan na hindi na sila maghahabol sa Sulpicio Lines. Ganyan na nga talaga ang pamamala kad sa lahat ng aspeto ng buhay sa Pilipinas, maging sa gobyerno o sa priba- dong sektor. Pera lang ang katapat ng lahat.