NOONG nakaraang Linggo, muling tumigil ang galaw ng mga Pilipino sa maraming dako ng mundo. Walang trapik, walang krimen at walang mga pagsalakay ng rebelde at sundalo. Dahil yan sa laban ni Manny Pacquiao kay David Diaz. Sa loob ng kalahating araw ay nagawang pakalmahin ni Pacquiao ang mga Pinoy. Wala nang pasubali na si Pacquiao ang pinakamahusay na boksingerong Pilipino. Noong Biyernes na dumalaw si Pacquiao sa Malacañang ay ginawa siyang envoy ni President Arroyo sa darating na Beijing Olympic.
Dahil kay Pacquiao ay nakilala ang Pilipinas sa larangan ng boksing. At wala nang dahilan pa para tawaging pambansang sport ng Pilipinas ang boksing. Sa lahat ng sports, ito ang nagpapakilala sa galing ng Pilipino. Kaya kung mayroon mang dapat suportahang sports ang gobyerno, iyan ay ang boksing.
Ipinakita ni Pacquiao ang husay nang pabagsakin sa 9th round ang Mexican-American na si Diaz. Walondaang suntok ang pinawalan ni Pacquiao kay Diaz. Masyadong mabilis ang kamao ni Pacquiao. Wala nang hihigit pa sa ipinakitang bilis ni Pacquiao na nasaksihan nang maraming tao sa mundo. Walang pag-aalinlangan ang panalo ng Pinoy boxer. Si Pacquiao ang kauna-unahang Asyano na nakakuha ng apat na titulo sa boxing.
Mayroon nang sinimulan si Pacquiao sa boksing at hindi dapat masayang ang sinimulan niya. Nara rapat lamang na pagtuunan ng gobyerno ang boksing sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta rito.
Hindi sapat na gawing envoy lamang ng Philippine sports si Pacquiao kundi mas mainam kung malaking suporta sa pagpapaunlad ng boksing ang dapat gawin. Sa pamamagitan ni Pacquiao ay tiyak na maraming kabataan na may angking tapang, liksi at husay sa boksing ang matutuklasan. Tiyak na maraming bata na may hilig sa pagboboksing ang maaaring sumunod sa yapak ni Pacquaio at sino ang makapagsasabi baka mayroon pang makahigit sa kanya.
Binigyan na ng rekognisyon ang mga nagawa ni Pacquiao sa larangan ng boksing at naniniwala kaming ang kasunod na nito ay ang pagyabong pa ng pambansang laro ng Pinoy — boksing.