MARAMING natuwa sa proyekto ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na libreng pagpapalabas ng pelikulang Katas ng Saudi para sa mga Pilipino sa Dubai at Abu Dhabi sa United Arab Emirates (UAE).
Sa Dubai ay mayroong 167,264 “documented Filipino workers” at kanilang pamilya, habang sa Abu Dhabi naman, na kapital ng UAE, ay mayroong 85,899 documented OFWs at kanilang dependents.
Ang proyektong ito ay inorganisa sa pakikipagtulu-ngan ng Department of Labor and Employment — Natio nal Reintegration Center for OFWs (DOLE-NRCO) kung saan ang pinuno ay si Atty. Teresita Manzala, na Deputy Administrator for Reintegration Services ng ahensya.
Ayon kay Jinggoy, na concurrent chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, at ng Joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment, ang Katas ng Saudi ay pelikulang akmang-akma sa programang “financial literacy and entrepreneurship” ng NRCO, na isang napakahalagang bahagi ng reintegration services ng DOLE para sa umuuwi at nagreretirong mga OFW.
Ang Katas ng Saudi, na pinapurihan ng mga pinakabatikang film critic sa ating bansa, ay tungkol sa buhay ng main character ng pelikula na si Oca Dimaano, na 10 taong nagtrabaho sa Saudi Arabia pero umuwing halos walang impok na pera at hindi pa nakikilala ng kanyang mga anak dahil sa matagal niyang pagkawalay sa pamilya. Dahil wala naman siyang makitang maayos na hanapbuhay dito sa ating bansa, napilitan na lang si Oca na bumalik sa pagtatrabaho sa Saudi.
Si Jinggoy ang gumanap na Oca, at tumanggap siya ng Best Actor award sa 2007 Metro Manila Film Festival at gayundin sa Entertainment Press Society Inc. (EnPress). Ginawaran din ng MMFF ang Katas ng Saudi ng Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award.
Naniniwala si Jinggoy na ang Katas ng Saudi ay makahihikayat at hahamon sa mga OFW na maghanda para sa kanilang ebentuwal na paninirahan at pamumuhay muli dito sa ating bansa bilang “accomplished and productive ex-OFWs.”