Mahigit dalawang siglo nang pinagdiriwang sa Amerika ang 4th of July na kanilang independence day. Siyempre, aasahan mo na ang Amerika, bilang bansang nangunguna sa pagpapahalaga sa kalayaan, ay siyang mangunguna sa pagrespeto din ng mga karapatan ng kanyang mga kapwa bansa. Tama? . . . Mali!
Sa larangan ng foreign relations, bagamat dama ng lahat ang epektos, hindi tayo saksi sa pakikialam ng iba. Ang hindi maiwasang ikagulat ay kapag harap-harapang nanghihimasok ang dayuhan sa mga usaping lokal. Sino ang hindi mabibiglang marinig ang mga samahang pangnegosyo ng Amerika, Europa at iba pang bansa na pagsabihan ang ating mga opisyal kung paano ang wastong pagpatakbo ng ating pamahalaan?
Sa Meralco systems loss issue, hindi nagtimpi ang mga dayuhang ito na magpahayag ng posisyon sa paraang nakakainsulto sa Kongreso. Mantakin mong lelektyuran pa sana nila ang mga Senador mismong sa loob ng Senado? Ngayon ay heto na naman sila. Bakit daw kinikilala ng batas at ng Mataas na Hukuman ang kapangyarihan ng mga pama halaang lokal na mag “SPOT-ZONING” o ang magpasiyang lagyan ng limitasyon ang pag-gamit ng lupa sa mga partikular na lokalidad. Hindi sila sang-ayon sa desisyon ng Korte sa pagpatalsik sa Pandacan Oil Depot sa Maynila. Anila’y balakid daw ito sa patuloy na pagpasok ng investments sa bansa.
Naunawaan naman na kailangang protektahan ng dayu-hang negosyante ang kanilang mga pinuhunan. Subalit tulad ng sinabi ni Senador Enrile, huwag sanang kalimutan na sila’y mga panauhin lang sa ating bansa. Huwag nilang isipin na maari nilang diktahan ang pamahalaan. Ang karapatang ito’y naka-laan lang sa sarili nating mga mamamayan.
Kinikilala ng ating batas (na hango sa batas ng Amerika) na, higit sa mga national officials, ang mga lokal na sanggunian ang nasa posisyon upang maunawaan ng husto ang pangangailangan ng kanilang residente. Tama bang unahin ng Konseho ng Maynila ang interes ng Shell, Caltex atbp kaysa kaligtasan ng kanilang mga kinakatawan? Intindihin sana nitong mga dayuhan ang tunay na diwa ng kalayaang kanilang pinapangalandakan.