SIMULA kahapon, wala nang advertisement sa mga diyaryo at magazine ang sigarilyo. Bawal na ring mag-sponsor ng sports, concert, cultural or art events ang mga kompanya ng sigarilyo. Bawal nang makita ang mga logo, trademark, pangalan desenyo at anupa mang pagkakakilanlan sa sigarilyo. Ang pagbabawal sa pag-aanunsiyo ng tobacco products sa mga pahayagan at magasin ay nakatadhana sa Republic Act 9211 o ang Tobacco Regulation Act of 2003. Noong January 2007, inalis na ang pag-aanunsiyo ng sigarilyo sa telebisyon, radio at mga sinehan. Noong July 2007, ipinagbawal ang outdoor ads ng sigarilyo. Babu na nga sa anunsiyo ng nakamamatay na bisyo!
Ang pagbabawal ng advertisement ng sigarilyo sa mga pahayagan at magasin ay katanggap-tanggap sapagkat malaki ang magagawang tulong para makaiwas ang marami sa bisyong ito. Ngayon ay pabata nang pabata ang mga naninigarilyo at ang kahahantungan nito ay ang maaga nilang kamatayan. Ayon sa report, tinatayang nasa apat na milyong kabataang Pinoy ang naninigarilyo. Sa pagkawala ng mga anunsiyo ng sigarilyo sa mga pahayagan, radio at telebisyon, inaasahang maililigtas sa pagkakasakit ang maraming kabataan sa paninigarilyo.
Ayon kay Roberto del Rosario, advertising executive at board member ng Framework Convention on Tobacco Control Alliance Philippines (FCAP) dinadaya ng mga kompanya ng sigarilyo sa kanilang ad ang mga kabataan sa pamamagitan ng pagpapakita na ang paninigarilyo ay okey lang gawin at hindi masama. Ayon pa kay Del Rosario, kabaliktaran ito sapagkat nagdudulot ito ng mga nakamamatay na sakit — emphysema, lung cancer, at iba pa ang paninigarilyo.
Ngayong wala nang anunsiyo ang nakamamatay na bisyo sa pahayagan, TV, radio at billboards, ang dapat ngayong paigtingin ng mga awtoridad ay ang paghihigpit sa mga may-ari ng tindahan o sari-sari store na nagbebenta ng sigarilyo sa mga menor-de-edad. Balewala ang RA 9211 kung hindi naman hihigpitan ang mga tindahan sa pagbebenta ng kanilang sigarilyo.
Nasimulan na ang kampanyang ito at hindi na dapat pang itigil. Sa ganitong paraan tiyak na maili ligtas ang maraming Pinoy smoker. Pagtulungang ipatupad ang batas para sa kanilang kaligtasan.