Pil-Ams tinitimbang na sina McCain at Obama
NAGHAHATI-HATI at nagkakahiwalay na naman ang mga Pilipino-Americans sa pagsuporta kina Barack Obama ng Democratic Party at John McCain ng Republican. Ang pinagbasehan ng pagpili ay kung sino sa dalawa ang makakatulong sa mga Pinoy sa US. Maraming isyu ang ipinaglalaban ng mga Pil-Ams para sa kanilang ikabubuti. Katulad ng nabanggit ko na rin, empowerment o pagkilala sa kahalagahan ng mga Pinoy sa takbo ng pangkalahatang pamumuhay dito.
Isa pang isyu ay ang matagal nang pinapangarap ng mga Pilipino veterans na maigawad na sa kanila ng US ang pagbibigay ng matagal nang ipinangako sa kanila na karapat-dapat na benepisyo na katulad din ng kung ano ang tinatanggap ng US veterans. Naipasa na ito sa US House of Representatives at malapit na raw na maipasa sa US Senate.
Mahalagang isyu sa Pil-Ams ay ang pagpapauwi na ng kanilang mga anak at mga malalapit na kaanak na kasama sa mga sundalo na nasa Iraq ngayon. Isa pang isyu ay ang pagpapatigil ng pagpapadala ng mga kabataang Pil-Ams sa Iraq. Napakarami nang mga nagluluksang Pil-Ams dahil sa pagkamatay at pagkakabaldado ng kanilang mga anak at kaanak dahil sa giyera sa Iraq.
Ilan lamang yan sa mga isyu na ginagamit na basehan ng Pil-Ams kung sino kina McCain at Obama ang kanilang pipiliin. Marami ang naniniwala na si McCain ang kasagutan. Subalit mas marami na ngayong Pil-Ams ang todo ang pangangampanya kay Obama bilang susunod na US President. Naniniwala sila na si Obama lamang ang makatutulong sa Pil-Ams.
- Latest
- Trending