LUCIDA-DS sumagot sa libel ng Met-Tathione
SA nakaraang kolum, naisulat natin ang P10-milyong libel suit ng Met-Tathione laban sa kakompitensyang United Shelter Health Products (USHP), tagagawa ng Lucida-DS at Vaniderm. Sa ngalan ng patas na pamamahayag, narito ang sagot ng USHP. Tinawag nitong “iyak ng talunan” ang naturang demanda.
Ang mga idinawit sa demanda ay ang mga opisyal ng kompanya na sina Ronaldo Raguero at Ms. Isabel Galindez. Ayon kay Galindez, ang ipinalabas nilang full-page ads laban sa Met Tathione ay “depensa” lang nila sa mga paninirang naunang inilantad ng Met laban sa kanilang produkto. “Nakakahiya sila dahil sila ang nag-umpisa ng gluta war” ani Galindez.
Inisponsoran umano ng Met Tathione ang isang edition ng Rate-K ni Korina Sanchez na pinagsimulan ng mga mapanirang impormasyon laban sa kanilang produkto.
Isa umanong “alias Jane” ang nai-feature ni Korina na nagsabing nagkabukul-bukol ang kanyang mukha matapos gumamit ng Vaniderm. Tapos, kinunan ng opinion ang dermatologist na si Dr. Raquel David na umano’y consultant pala ng Met Tathione.
Ani Galindez, ni hindi kumuha ng panig ng Lucida-DS at Vaniderm si Korina. Sinundan pa raw ito ng isang segment ng TV Patrol na nagsabing ang Lucida DS at Vaniderm ay mayroon lamang 5.5 at 4.5 miligram ng glutathione, batay sa pagsusuri ng Philippine Institute of Pure and Applied Chemistry (PIPAC). Dahil dito, ipinasuri ng USHP ang sample ng Lucida-DS at Vaniderm sa Adamson University Technology and Research Development at sa lab analysis ng Anaheim, California, USA. Lumilitaw daw sa test ng Adamson na ang Lucida ay may 514 mg ng glutathione at sa California, lumilitaw na ito’y mayroong 507 mg.Ayon pa sa sagot ng USHP, batay sa statement mismo ng AMS Life and Science Co. ng Japan, bawal sa batas ng naturang bansa na gumawa ng produkto na may glutathione na sobra sa 100 mg. Iyan ang naging basehan ng ipinalabas ng Lucida na pinagmulan ng libel suit laban sa kanila.
Buweno, nailabas na natin ang magkabilang panig. Bayan na ang huhusga.
- Latest
- Trending